POSIBLENG may kinalaman si alyas “Bikoy” na nasa likod ng black propaganda laban kay Pang. Rodrigo “Digong” Duterte at sa kanyang pamilya ang nagpapakalat din ng katulad na video laban sa pamilya nina Mayor Antonino “Tony” Calixto na kandidatong congressman at Rep. Emi Calixto-Rubiano na tumatakbong mayor sa lungsod Pasay.
Mukhang iisang grupo lang ang pinagmumulan ng mga walang basehang paninira sa social media laban sa mga Calixto na malaki ang pagkakahawig sa video ng alyas “Bikoy” laban kay Pres. Digong at mga tao na malalapit sa pangulo.
Sa malao’t madali ay matutunton din kung sino-sino ang mga nasa likod ng malisyosong paninira at mahuhulog din sila sa mahabang kamay ng batas para mapanagot sa kanilang mga kagaguhan na ginagawang hanapbuhay ang pagkakalat ng black propaganda sa mga kalaban sa politika.
Madali naman mahalata na maruming pamomolitika ang pakay ng mga mapanirang video dahil ang mga nasa likod nito ay pawang nagtatago sa dilim upang hindi sila makilala.
Sa madaling sabi, si alyas Bikoy ay hindi nag-iisa kung ‘di mayroon talagang grupo ng mga tulad niya ngayong eleksiyon na nagpapaupa sa mga desperadong politiko at nagpapabayad gamit social media.
Kung si dating Police Colonel Eduardo Acierto na nga na lumantad ay hindi pinaniwalaan sa mga inilakong paratang, gaano pa kaya si alyas Bikoy at ang kanyang mga katropa na aktibong kumikilos sa Pasay para magkalat ng paninira laban sa mga Calixto?
Buti na lang, hindi madaling lokohin ang mga mamamayan ng Pasay kaya’t hindi bumenta sa kanila ang mga paninira laban sa mga Calixto na bistado namang sa kampo ng ungas na kandidatong dayo at gustong makatsamba na maging instant mayor sa Pasay nagmumula.
Ang masama, kung sino pa ang tunay na sangkot sa ilegal na droga ay malalakas ang loob na iparatang sa iba ang kanilang ginagawa.
Oras na mahubaran na ng maskara si alyas Bikoy ay tiyak na susunod na rin ang kanyang katropa sa Pasay.
Ano kaya ang masasabi ni Edwerd Tegenen, ang minamanok na kandidato ni Sen. Leila de Lima sa Pasay?
SI LIM ANG KURSUNADA NG SILENT MAJORITY PARA MAYOR NG MAYNILA
BASAHIN ang ilan sa mga mensaheng ipinararating ng mga mambabasa ng ating pitak at tagapakinig ng ating malaganap na programang Lapid Fire na napapakinggan mula 10:00 pm – 12:00 mn, Lunes hanggang Biyernes, sa makasaysayang himpilan ng DZRJ-Radyo Bandido (810 Khz/AM):
BENJAMIN BACAMANTE – “Sir Percy, isa akong matapat na tagahanga n’yo sa tapang at paninindigan. Tama lang po si Mayor Alfredo Lim ang dapat lumabas na mayor uli sa Maynila. Malaki ang magagawa ni Mayor Lim sa Maynila, kawawa naman ang Maynila kung mananatili sa kamay ng isang mandarambong na convicted plunderer na may naipamana sa kanyang anak na pinalaya ng Sandigang-lagay. Bilang isang mamamayang hangad na makatulong sa bayan, boluntaryo po akong sumasapi sa inyo, sabihin n’yo lang, ‘di po humihingi ng kapalit ang maitutulong ko. Pagpalain kayo ng Diyos at bigyan pa ng mahabang buhay.”
MARIAL LEODY – “Mayor Lim, sana po ‘pag kayo po ang nanalo, ‘wag po sana galawin ang Dagonoy Public Market, kawawa po kasi kaming veterans. Tulad na lang po no’ng ginawa ng administrasyon ngayon, pinahirapan po ang mga taga-Maynila. Tumaas lahat ng bayarin, parang pati po Sta. Ana Hospital ginawa nang private. ‘Yung mga palengke po, ginawang private, niliitan na ang puwesto at mas tumaas pa po ‘yung dating binabayaran na P160 daily excess at nagkaroon ng renta, wala na po halos kinikita mga nagtitinda, binuhay lang bulsa nila. No’ng umupo sila, naging P340 po, may pinapasuweldo po kami mga tao, nagbabayad ng tubig, koryente, amilyar at pagkain araw-araw. Sa P340 po, anlaking halaga po agad nawawala sa amin. Kaya po sana ‘wag galawin ang Dagonoy Market, kasi po balak na ibenta sa investors at gagawing private. At sana po, lahat ng palengke na ginawang private ay maibalik sa dati kasi dami pong nagtitinda na wala nang kinikita. Maraming salamat po!”
ALVIN CALAMANAN – Asahan n’yo po, tiwala po ako sa inyo. kayo po iboboto ko. Pedicab driver po ako sa Malate. Mabuhay po kayo Mayor Fred Lim. God bless! Ibalik n’yo po ang dating Maynila.”
EI JEI (UAE) – Sir Percy, lahat ng mga kamag-anak ko sa Manila. especially ‘yung mga pinsan ko sa Tondo, kay Mayor Lim sila. Sabi ko rin sa mga ka-batch ko sa Lyceum, Intramuros, I told them Mayor Lim. Kaya congrats in advance!”
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid