MUKHANG sa basurahan talaga dadamputin itong si dating Interior Secretary Mar Roxas sa darating na halalan na nakatakda sa 13 Mayo 2019. Hindi rumerehistro sa taongbayan ang ginagawang pangangampanya ni Mar, at ang inaasahan ng kanyang kampo na lulusot siya sa Senado ay malamang na hindi mangyari.
Walang ipinagbago si Mar sa kanyang ginagawa ngayong kampanya kung ihahambing noong nakaraang 2016 presidential elections. Hindi tumatagos sa taongbayan ‘ika nga, at pawang pantasyang masasabi ang mga campaign propaganda ni Mar.
Ano ang silbi ng pagsasabing ekonomista si Mar kung hindi naman ito nararamdaman ng taongbayan simula nang manungkulan bilang miyembro ng Gabinete ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Nasaan ang kongkretong resulta ng sinasabing ekonomista si Mar?
E, ano nga naman kung ekonomista siya?
Hindi na mabobola ni Mar ang taongbayan kahit na punuin pa niya ang Metro Manila at mga probinsiya ng kanyang tarpaulin at mga poster, at lunurin ng political ads ang mga telebisyon at radio pati na ang social media.
Sawang-sawa na ang mamamayan sa pagmumukha ni Mar. Hindi na ito pinaniniwalaan at alam nilang si Mar ay hindi nila kauri. Anak mayaman si Mar at hirap ang mahihirap na makahalubilo ang tulad niya na nasa ‘alta sociedad’ na hindi nga makapagsalita ng deretsong Tagalog.
At patunay na mismo ang latest survey ng Pulse Asia na tuluyan na siyang ibinasura ng mga botante, laglag na si Mar sa “Magic 121”
Sa survey na isinagawa nitong nakaraang 23-27 Marso, bumagsak sa ika-16 na puwesto si Mar mula sa dating ika-9 na puwesto.
Sa pagbagsak ni Mar, nakapasok naman ang nais magbalik sa Senado na si Jinggoy Estrada at isang manok ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na si Francis Tolentino, na dating nasa ika-13 at ika-14 na puwesto.
Sa pagkakalaglag ni Mar sa “Magic 12,” lumalabas ngayon na ang lahat ng kandidato ng Otso Diretso ay tuluyan nang swak sa “indoor.” Wala ni isa mang kandidato ng “dilawan” sa ngayon ang nasa winning circle.
Ang limang babae namang kandidato ay patuloy na namamayagpag sa mga survey at hindi natitibag sa kanilang mga puwesto. Si Senator Grace Poe ay hindi natitinag sa kanyang unang puwesto habang patuloy na nasa kanyang likuran ang pumapangalawang si Cynthia Villar.
Sina Pia Cayetano, Nancy Binay at Imee Marcos ay hindi na rin natitinag sa loob ng “Magic 12” at patuloy na umaani ng suporta. Si Pia ay kasalukuyang nasa ika-5, si Nancy ay nasa ika-7 at si Imee naman ay nasa ika-10 puwesto.
Habang papalapit ang halalan, unti-unting nagkakahugis kung sino sa mga senatorial contender ang malamang na mananalo at makakasama bilang miyembro ng 18th Congress. Kung totoo man ang salitang malas, mukhang mangyayari ito sa grupo ng Otso Diretso at tiyak na walang mananalo ni isa man sa kanilang kandidato.
At para naman kay Mar, hoy hindi mo na kayang bolahin ang taongbayan. Konyo!
SIPAT
ni Mat Vicencio