KARUMAL-DUMAL ang pagpaslang sa 16-anyos dalagita sa Barangay Mactan, Lapu-Lapu City sa Cebu. Nakahubad ang salawal, at tinalupan ang ulo at mukha kaya halos hindi na siya makilala. Inakala yata ng mga buhong na maaangkin nila ang magandang mukha ng biktima habambuhay.
Nakagagalit ang pagpapainom ng isang ama ng muriatic acid sa kanyang 4-anyos anak na lalaki na ikinasawi ng paslit saka nagsaksak nang tatlong beses para takasan ang kanyang krimen sa pamamagitan ng kamatayan. Ang insidenteng ito ay naganap sa Maynila kamakalawa.
Walang tigil ang bentahan ng shabu, cocaine, ecstacy at marijuana sa mga nalululong o adik sa illegal substance mula sa sa iba’t ibang antas ng lipunan.
Itinutumba ang maliliit na adik pero namamayagpag ang malalaking supplier ng ilegal na droga.
Patuloy ang pagpapatintero ng mga mambabatas sa pagpapasa ng trilyones na national budget para sa taong 2019 — na kapag naaprobhan ay dadambungin lang ng mga bulok na politikong nailuklok sa puwesto ng mamamayan.
Akala natin ay ‘kapal ng mukha’ lang ang ‘asunto’ ng mga mapopormang mahilig sa SUV pero sa kalsadang milyones ang halaga na ipinagawa ng gobyerno mula sa buwis ng mamamayan inihihimpil ang mga sasakyan na halos katumbas na rin ng economic sabotage.
Pero mas matindi riyan ang sindikato ng illegal terminal na ang ginagawang paradahan ng mga pinoproteksiyonang kolorum na sasakyan ay pambansang liwasan para sa mamamayan.
Ang kapalit niyan ay ‘tongpats’ na inaakalang barya-barya pero kamal-kamal na kuwarta ang pumapasok sa bulsa ng mga ilegalista.
Lahat ng nabanggit sa itaas kung tutuusin ay karumal-dumal (heinous) na krimen.
Buhay, ari-arian, oras, pera at buwis ang ninanakaw ng mga ‘perpetrator’ sa mga mamamayan lalo sa mga direktang biktima ng mga kagayang krimen.
Marami ang nagagalit laban sa mga perpetrator ng mga krimeng nabanggit sa itaas pero hanggang galit lang. Kapag hindi na naaalala ang karumal-dumal na krimen, nalilimutan na rin at ‘lumalamig’ na ang isyu.
Habang mainit pa ang isyu, gustong-gustong patawan ng parusang kamatayan ang mga suspek o akusado, pero dahil likas na maawain at mapagpatawad ang mga Filipino, kapag lumalamig na ang isyu, nawawala na rin ang galit.
Muli lang maaalala ang death penalty kapag mayroon na namang naganap na karumal-dumal na krimen.
Sa ganitong panahon natin kailangan ang mga mambabatas — panahon na nga siguro para ibalik ang death penalty.
Kabalintunaan man sabihin, sa panahon ngayon, ito ang mabisang proteksiyon sa mga mamamayan na nagnanais mabuhay nang matiwasay at nagmamahal sa kapayapaan — ang death penalty.
Hindi bilang instrumentong mapaghiganti kundi bilang ‘aral’ at ‘deterrent’ na huwag gumawa ng karumal-dumal na krimen laban sa kapwa, laban sa institusyon, at laban sa estado.