KATIWALIAN ang sinasabing rason kaya raw sinibak ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte sa puwesto si retired Marine general Alexander Balutan bilang general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Malaki umano ang ibinagsak ng kita ng PCSO sanhi ng hindi naaabot at inaasahang target income – partikular sa koleksiyon ng Small Town Lottery (STL), ayon sa Palasyo.
Isa raw sa tinukoy na problema ang pagbalewala sa hindi pagtupad ng STL operators sa P10-million quota na obligasyon nilang ibayad sa PCSO kada buwan.
Sa imbestigasyon noon ng Senado, marami ang nawalan ng kompiyansa kay Balutan dahil sa maluhong Christmas Party ng PCSO sa Shangrila na milyones ang nagastos na pondo, imbes ginamit sa kawanggawa.
Sino namang honorable na naturingang heneral pa man din ay nagawang lunukin ang pagmumura sa kanya sa Senado kapalit ng pananatili sa mababang puwesto sa PCSO?
Bagama’t ikinakaila ni Balutan ang paratang ay inamin niya ang malaking shortfall sa income ng PCSO mula sa lotto at STL.
Kesyo may hindi raw masikmura kaya’t nagbitiw si Balutan, ayon sa kanyang tagapagsalita.
Bakit kung kailan wala nang maniniwala sa kanya ay saka lamang nagsasalita si Balutan?
Dalawang bagay lang ang katumbas na ibig sabihin niyan batay sa pahayag ng Palasyo – kung ‘di man mismanagement ang problema ay tiyak na may “unholy alliance” o sabwatan sa pagitan ng STL operators at ng PCSO sa ilalim ni Balutan.
Napakadali kasing manipulahin ang ingreso na dapat pumasok sa PCSO base sa quota system, lalo’t kung ang operator ng STL at ng ilegal na “jueteng” ay iisa.
At kahit sino pang santo ang ipalit sa ibinakanteng puwesto ni Balutan ay hindi rin masasawata ang katiwalian sa PCSO habang may STL na nagsisilbing maskara ng jueteng.
Gaano pa ba karaming nilalang sa pamahalaan ang may delicadeza at hindi maatim na ipagpalit sa kuwarta ang pagkatao?
Sinibak man si Balutan o hindi ay wala nang kabuluhang pagtalunan pa, kung hindi rin naman siya makakasuhan at mapaparusahan.
Kaya walang saysay na imbestigahan at kasuhan pa lahat ang mga tiwali sa gobyerno hangga’t walang napaparusahan, lalo’t wala namang mababawi sa mga nakamal.
Palagay n’yo, sino ang matinong ipapalit sa nabakanteng puwesto at masisiguro natin na hindi ipagpapatuloy ang pinaggagawa ni Balutan at ng kanyang mga sinundan sa PCSO?
Itanong n’yo sa pagong!
MANILA CITY HALL EXEC
NAGSUSUGAL SA CASINO
ISANG mataas na opisyal ng Manila City Hall ang nalentehan sa isang malaking casino sa lungsod ng Parañaque, kamakailan.
Kung gaano kalakas siyang mangotong gamit ang kanyang puwesto sa City Hall ay gano’n din pala kalakas magpatalo sa sugal ang nasabing opisyal.
Isang araw, sa ayaw at sa gusto natin, tiyak na kakalat din sa social media ang larawan ng naturang opisyal habang nakaupo sa gaming table ng casino.
Sabi nga, hindi raw nagsisinungaling ang ebidensiya dahil sa sa ibabaw ng kinauupuang table ay malinaw sa retrato ang tumpok-tumpok na casino chips na nakaparada sa kanyang harapan.
Sakaling kumalat ang larawan, hindi na kailangang hulaan kung sino ang opisyal na tinutukoy natin dahil marami ang nakakikilala sa kanya.
Dati kasi siyang konsehal sa aming distrito sa Tondo at malimit siyang napapanood sa mga balita sa telebisyon, lalo’t kapag inirereklamo at sabit sa pangongotong ang kanyang mga tauhan.
Akala ba natin ay ipinagbabawal sa sinomang opisyal at empleyado ng pamahalaan ang pumasok sa mga casino at pasugalan?
Ang hindi ko lang batid ay kung alam ng barangay chairman na may sakop sa 168 Mall sa Divisoria ang malakasang pagsusugal sa casino ng nasabing Manila City Hall official.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid