Friday , November 15 2024

Mayor Fred Lim: Tuloy ang laban!

PINASINUNGALINGAN ni dating Mayor Alfredo S. Lim at pambatong kandidato ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa Maynila na siya ay umatras na bilang kandidato sa pagtakbong alkalde ngayong darating na eleksyon.

Hindi po totoo at malaking FAKE NEWS ang pag-atras daw ni Lim na sigurado at wa­lang duda na nagmula sa kampo ng kanyang mga kalaban.

Sa kanyang pahayag kahapon, sabi ni Lim: “Tatakbo akong mayor ng Maynila at intensiyon kong manalo. Hindi ako umaatras o aatras. Wish lang ‘yun ng mga kalaban ko!”

Ginawa ni Lim ang pahayag upang mapawi ang pangamba ng kanyang mga supporter matapos makarating sa kanyang kaalaman ang fake news na ilang linggo nang ipinakakalat ng kanyang mga kalaban.

Sa lahat ng survey mula Nobyembre 2018 ay si Lim ang lumabas na nangungunang kandidato at may napalaking agwat sa kanyang mga kalaban hanggang nitong huling linggo ng Pebrero 2019 kaya’t, punto niya: “Walang rason para ako ay umatras sa laban sa gitna ng mga naka­e­engganyong resulta ng iba’t ibang surveys; dami ng taong patuloy na sumusuporta; at higit sa lahat, ang pag-endoso ng aking kandidatura ng ruling party – ang PDP-Laban – pinamumunuan mismo nina President Rodrigo “Digong” Duterte, chairman, at Senator Koko Pimentel, pangulo, na siyang nagdeklara sa akin bilang opisyal na kandidato ng partido sa pagka-alkalde ng Maynila.”

Pero niliwanag ni Lim na wala siyang balak balikan ang mga nagkakalat ng tsismis laban sa kanya at magsagawa ng maruming taktika o makipagtapunan ng putik sa kanyang mga kalaban.

Sa halip, ayon kay Lim, ay mangangampanya siya batay sa kanyang mabuting track record at napatunayan sa kanyang tapat na paglilingkod bilang alkalde ng Maynila sa loob ng apat na termino.

Buo ang tiwala ni Lim na siya ay muling ibabalik ng mga botanteng Manileño sa darating na Mayo, aniya:

“Ang mga pagsisikap na sirain ang aking kandidatura sa pamamagitan ng mga malisyosong tsismis ay isang pruweba na mananalo ako. Siguro naman kung hindi maganda ang takbo ng kandidatura ko, hindi ako pagtitiyagaan na siraan at palabasing umatras na sa laban. Isa lang ang ibig sabihin nito. Malakas ang laban ko at mananalo ako.”

Ayon kay Lim, alam naman ng mga Manileño ang kanyang mga naipatupad na programa sa ilalim ng “womb-to-tomb” program na kanyang napasimulan taong 1992.

Ilan sa mga hindi matutularang proyekto na naitatag ni Lim ang 5 pampublikong ospital – bilang dagdag sa noo’y nag-iisang Ospital ng Maynila – na kanyang naipatayo at sa kanyang administra­syon ay nakapagpatupad ng libreng serbisyo at medisina sa mga pasyente.

Si Lim din ang nagtatag at nagpatayo ng City College of Manila (na ngayo’y Universidad de Manila) para sa libreng edukasyon sa kolehiyo sakaling ang estudyante ay hindi makapasa sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).

Plano ni Lim ang pagtatayo ng UDM Annex sa kada distrito ng lungsod upang lalong mapagaan ang pasanin ng mga magulang upang makatipid sa pasahe kung mailalapit ang paaralan na papa­sukan ng mga anak mula sa kanilang tahanan.

Sa ilalim din ni Lim naipatayo ang 485 libreng daycare centers, 97 bagong buildings para sa public elementary at high school; 59 barangay health centers na nagbibigay ng libreng gamot at doktor para sa mga minor na sakit; 12 lying-in clinics na libre ang panganganak; 132 bagong gawang kalsada; mga libreng palaruan at sports complexes at centralized disaster evacuation centers sa Tondo at Baseco.

Ibabalik din ni Lim ang mababang singil sa amilyar, gaya nang naipatupad niya noong maka­balik na alkalde taong 2007.

Kahit si Lim pa ang naturingang opisyal na pambato ng PDP Laban sa Maynila ay bukod tanging siya lang ang tumatakbong alkalde na sumusunod sa batas laban sa maagang pangangampanya.

Ang fake news laban kay Lim ay bunsod ng kanyang pagtalima sa mga batas na ipinatutupad ng Commission on Elections (Comelec) – partikular ang maagang pagkakabit at ilegal na pagdidikit ng campaign posters – na bisyong labagin naman ng kanyang mga kalaban.

Uubra lang ang ganyang klase ng paninira sa mahihinang kandidato na walang maipagmamalaki at napatunayang nagawa kung ‘di ang magnakaw at magsamantala – pero hindi kay Lim.

Tuloy po ang laban at ang pinakahihintay na pagbabalik ni Mayor Lim!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *