TIYAK na mamamaga na naman ang butse ng mga nagkakalat ng paninira laban sa ‘Team Calixto’ mula sa kampo ng nag-aala-tsambang kandidato sa Pasay kasunod nang napalathalang resulta ng survey sa pahayagang The Manila Times, kamakalawa.
Sa survey na isinagawa ng RP Mission and Development Foundation Inc. (RPMDInc.) sa 2,500 respondents ay kasama ang mga kandidato sa tiket ng Team Calixto sa Pasay na imposibleng talunin sa 2019 midterm elections sa Mayo.
Ang isinagawang survey sa National Capital Region (NCR), mula February 1-10, ay non-commissioned na ang ibig sabihin ay hindi inupahan at walang nagbayad.
Patok pa rin si Pasay lone district Rep. Imelda “Emi” Calixto-Rubiano na humakot ng 53 percent at desididong iboto ng mga botanteng Pasayeño sa mga kandidatong alkalde kahit ngayon mismo idaos ang hahalan, ayon sa survey.
Si Emi Rubiano ay kapatid ni incumbent Pasay City Mayor Antonino “Tony” Calixto na tatakbong congressman.
Pumangalawa lang kay Emi na may 16 percent si Cesar “Chet” Cuneta, anak ni yumaong dating Mayor Pablo Cuneta.
Samantala, ang mistulang kabute at biglang sumulpot na kandidatong si Edwerd Tegenen ay hindi nabanggit ang pangalan sa naturang survey. (Anyare? ‘Di ba si Tegenen ang kandidatong suportado ng Ang Dating Daan at kliyente ng mga nagpapakilalang journalist cum PR na pipitsugin?)
Ibig sabihin, wa-epek sa mga botanteng Pasayeño ang mga paninira laban sa Team Calixto.
SWS SURVEY:
RUBIANO, 81%; CALIXTO, 86%
PUNTAHAN naman natin ang mas mataas na resulta ng naunang SWS survey na nahakot ng Team Calixto sa Pasay, unang linggo ng Pebrero.
Sa mayoralty ay humahataw si Emi na may 81%; Cuneta, 14%; at Tegenen, 3% (1% sa Malibay; 1% sa Nayong Pilipino; at 1% sa Ninoy Aquino International Airport).
Sa congressional ay 86% naman si Mayor Calixto; dating Philpost exec Choy Alas, 6%; at retired prosecutor Elmer Mitra, 4%.
Sa vice mayoralty ay 66% ang incumbent na si Boyet del Rosario; at si dating councilor Richard Advincula ay 26%.
Mas mabuti pa pala sumali sa “Hephep-Hooray” at ‘Pera o Kahon,’ may tsansang manalo.
At kung matalo man ay may makukuha namang papremyo, kahit pakonsuwelo, mula sa galanteng host ng programang “Wowowin” na si Willie Revillame sa GMA-7, kaysa kumandidato sa Pasay.
MEDINA AT BARCELONA:
SALUDO KAMI SA INYO!
PINABILIB tayo ng dalawang Makati prosecutor na nagbasura sa reklamong theft laban kay Nicko Falcis na dating project manager at managing director ni Kris Aquino.
Hinahangaan natin sina Assistant City Prosecutor Paolo Barcelona at Senior deputy city prosecutor Emmanuel Medina dahil mas pinili nilang gampanan nang may katapatan ang patas na pagtupad sa kanilang tungkulin bilang mga taga-usig ng National Prosecution Service (NPS) at ng Department of Justice (DOJ).
Kinatigan ni Medina ang rekomendasyon ni Barcelona na maibasura ang inihaing kaso laban kay Falcis na inakusahang ginamit umano sa personal na pamimili nang halagang umabot sa P1.27-M ang credit card na ipinagkatiwala sa kanya ni Kris.
Sa ibinabang resolusyon na nagbasura sa inihaing kaso ni Kris, ang credit card ay nasa pangalan ni Falcis kaya’t maaari niya itong gamitin alinsunod sa ‘terms and conditions’ ng banko.
“After careful examination of the records of the case, this Office is inclined to dismiss the complaints as there is no sufficient evidence to engender a well-founded belief that Falcis committed the crimes charged,” sabi sa resolusyon.
Ang mga tulad nina Medina at Barcelona ang kalidad na kailangan natin, hindi lamang sa NPS at DOJ, kung ‘di maging sa judiciary.
Kung hindi ako nagkakamali, si Medina ay asawa ng isang regional trial court judge sa Metro Manila at kilalang tapat na hukom kaya naman hindi na tayo nagtataka.
Saludo kami sa inyo, Prosecutors Medina at Barcelona! At harinawa ay pamarisan kayo ng inyong mga kabaro.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid