MAY laban na ang mga kababayan natin kontra sakit na kanser.
Ito ang sinabi ngayon ng reeleksyonistang si Senador Sonny Angara, matapos maisabatas ang National Integrated Cancer Control Act (RA 11215), nang lagdaan at pagtibayin ito ni Pangulong Duterte nitong 14 Pebrero 2019.
Nilalayon ng batas na mapapaba ang halaga ng gamutan at medisina na kailangan ng cancer patients upang kahit paano ay maging abot-kaya nila ang gastusin para rito.
Layon din nitong magtatag ng isang National Integrated Cancer Control Council na ang tungkulin ay magpatupad ng mga programang hindi lamang para magbigay ng komprehensibo at abot-kayang tulong sa mga pasyente kundi para mabawasan ang pagdami ng preventable cancer cases.
Ayon kay Angara, makatutulong ito upang palakasin ang laban ng gobyerno sa pag-apula sa patuloy na pagdami ng bilang ng mga nasasawi dulot ng iba’t ibang uri ng kanser.
Ang nasabing batas ay isang komprehensibong hakbang ng pamahalaan para sa mas masigasig na tulong pangkalusugan sa mamamayan, partikular sa mahihirap na pamilyang Filipino.
“Taos-puso tayong nagpapasalamat kay Pangulong Duterte sa kanyang pagsasabatas nito at sa kanyang pakikiisa sa atin na mailigtas ang mga kababayan nating may kanser. Ngayon, mas makamumura na sa gamutan ang mga may karamdaman tulad nito,” ani Angara, co-sponsor ng naturang batas na kinapapalooban din ng kanyang panukalang Senate Bill 1570.
Dagdag ng senador, “Malaking tulong po ang pagsasabatas nito sa mga may sakit na cancer lalo sa kanilang pamilya. Ang sabi nga kasi ng iba, kapag may kanser ka, daig mo pa ang sinalanta ng Ondoy o Yolanda.”
Sa pamamagitan ng batas na ito, may pag-asa nang maiwasan o kaya nama’y maagapan ang kanser dahil sa mga nakapaloob ditong polisiya na nakatuon sa paglaban sa nasabing karamdaman.
Ang kanser, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority ay pangalawa sa mga karamdamang madalas ikasawi ng mga Filipino, kasunod ng sakit sa puso.
Sa isinagawang pag-aaral ng UP Institute of Human Genetics, 189 sa kada 100,000 Filipinos ang nagkaka-cancer, habang lumalabas na 96 cancer patients ang namamatay sa bawat araw.
“Sa datos na ‘yan, ang ibig sabihin, apat na cancer patients ang na_mamatay kada oras. Ang masakit dito, walang kinikilala ang sakit na cancer dahil maaari nitong kapitan ang matatanda, mga bata, babae, lalaki, mahirap ka man o mayaman,” ayon kay Angara.
Ikinalungkot din ni Angara na marami ang nasasawi dahil sa ‘di makayanang halaga ng pagpapagamot, o ng mga prosesong kanilang dinaraanan.
Bagaman may kasalukuyang “Z Benefits” program ang PhilHealth na may mga nakalaang health package para sa mga malulunbang karamdaman tulad ng leukemia, breast at prostate cancer, limitado lamang ito at 11 porsiyento ang nasasagot sa gastos ng pasyente.
Sa impormasyong nagmula sa Cancer Coalition Philippines, sa breast ultrasound pa lamang ay kailangan nang gumastos ng pasyente mula P600 hanggang P3,000, depende sa pinuntahan nitong ospital. Hindi pa kasama sa mga nabanggit na halaga ang iba pang proseso.
Ang colonoscopy naman ay nagkakahalaga ng mula P1,500 hanggang P14,000.
“Sa madaling salita, papahirapan na nga ng cancer ang pisikal na pangangatawan ng pasyente, pati bulsa, butas na butas pa. Paano na kung ang pasyente ay mula sa mahirap na pamilya? Lalo silang mababaon sa kahirapan dahil sa nakalululang presyo ng pagpapagamot,” pahayag ni Angara.
Sa ilalim ng bagong batas, ang PhilHealth benefits para sa cancer ay kabibilangan na ng screening, detection, diagnosis, treatment, supportive care, rehabilitation at palliative care.
ni CYNTHIA MARTIN