NADAKIP na ng National Bureau of Investigation Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) ang ‘negosyanteng’ si Kenneth Dong, isa sa mga principal accused sa importasyon ng P6.4-billion shabu shipment na nailusot sa Bureau of Customs (BoC) at nasabat sa isang bodega sa Valenzuela City noong 2017.
Ang pag-aresto kay Dong at kanyang mga co-accused ay ipinag-utos ng hukuman sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Branch 46 Judge Rainelda H. Estacio-Montesa ng Manila Regional Trial Court noong nakaraang taon.
Sa hindi malamang dahilan ay sina Dong, Taguba at Tatad pa lamang ang nalalambat ng mga awtoridad, habang ang ibang principal suspects na sina Li Guang Feng ( alyas Manni Li); Chen I-Min; Jhu Mhing Jhyun; Chen Rong Juan; at Marcellana ay nakalalaya pa sa mabigat na krimen at kaso ng paglabag sa Republic Act 9165, ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Si Dong na itinurong middleman at lumakad ng pinalusot na kontrabando sa Customs ay matatandaang inaresto pero agad din nakalaya matapos ibasura ng hukuman sa Parañaque ang kasong rape laban sa kanya, dalawang taon na ang nakararaan.
Matatandaang nabulgar sa imbestigasyon ng Senado ang matataas na opisyal sa pamahalaan na ninong at ninang pa ni Dong sa kasal.
Ilan sa mga pinangalanang padrino sa pagtakbong senador sina Sens. Risa Hontiveros at Joel Villanueva na tumanggap ng campaign funds mula kay Dong na deklarado sa isinumiteng Statement of Contributions ang Expenditures (SOCE) sa Commission on Elections (Comelec). ‘Di ba, Sen. Migs Zubiri?
Ipinagtataka ng publiko ay napakatagal bago nadakip si Dong, at walang katiyakan kung kailan mahuhulog sa kamay ng batas ang mga kasamahan niyang akusado sa bilyon-bilyon pisong importasyon ng ilegal na droga sa bansa.
Nakasosorpresang si Dong, ayon sa ulat, ay naaresto, ganap na 2:00 ng hapon kamakalawa (Lunes), sa Lot 87, Block 12, Phase 2, Katarungan Village, Muntinlupa City.
Sa madaling sabi, si Dong ay nadakip sa Katarungan Village dahil doon siya nagtatago habang pinaghahanap ng batas.
Hindi ba’t ang Katarungan Village ay naitayong proyekto para sa mga dati at kasalukuyang opisyal na nagserbisyo sa Department of Justice (DOJ) at mga attached agency nito, tulad ng NBI at National Prosecution Service (NPS), Public Attorney’s Office (PAO), Bureau of Corrections (BuCor), at Bureau of Immigration (BI)?
Pero ang hindi nabanggit sa ulat ay kung sino ang lehitimong residente sa bahay na pinagtaguan ni Dong sa Katarungan Village.
Kung hindi tayo nagkakamali, bukod sa obstruction of justice, ay maaaring managot sa batas ang sinomang magkanlong ng pugante.
Aba’y, akalain n’yong sa dinami-rami ng lugar ay sa Katarungan Village pa napiling magtago ng damuho.
GUMAGALANG AUV
1998 TOYOTA REVO
PLATE NO. WFT 378
NAALARMA ang mga residente sa pakay ng isang AUV nitong Lunes Feb. 4, bandang 10:00 pasado ng umaga, sa isang subdivision, Barangay Talon II, malapit sa Las Piñas City Hall.
Sakay ng 1998 Toyota Revo (dark green metallic) na may plakang WFT 378 ang isang babae at dalawang kalalakihan.
Bumaba mula sa sasakyan ang babae at lumapit sa tatlong magkakatabi at magkakahiwalay na kabahayan ng subdivision at nagkunwaring magtanong kung puwedeng makiihi.
Tumanggi ang mga residente sa pakiusap ng babae at ipinagtaka kung bakit mas pinili pa na isa-isahing pakiusapan ang mga residente gayong napakalapit lang ng mga establisimiyento, tulad ng mga resto at gas station na maaari nilang puntahan.
May 20 minuto umanong nakaparada at tumambay na waring nagmamanman sa lugar ang AUV bago bumaba ang sakay na babae.
Nang makahalata na alertado na ang mga residente ay agad umanong sumakay ang mga suspect na nagtangka munang magmaniobra pero nagbago ang isip na bumalik at lumabas sa isang gate ng subdivision.
Hinala ng mga residente, may masamang pakay sa lugar ang grupo na maihahalintulad sa karaniwang modus ng “Gapos Gang” at “Budol-budol gang” sa pagsalakay.
Kasalukyan nang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga suspect mula sa kuha ng CCTV sa lugar at ang nabanggit na sasakyan na batay sa record ay huling nairehistro noong 2018.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
ni Percy Lapid