MALAMANG kaysa hindi, sa kangkungan pulutin si dating Philippine National Police (PNP) chief retired Gen. Ronald dela Rosa kapag hindi nakaisip ng panibagong gimik matapos langawin sa takilya ang kanyang biopic na “BATO” The Movie.
May malaking epekto siyempre sa pagtakbong senador ni Bato ang miserableng pagkalugi ng pelikula na pinagbidahan pa man din ng nagmamagaling, ‘este, magaling na aktor na si Robin Padilla.
Matatandaan, kamakailan lang ay naging kontrobersiyal ang pagkuwestiyon ng mga dati at kasalukuyang opisyal ng Philippine National Police (PNP), sa pangunguna ni Director General Oscar Albayalde, sa hindi matapos-tapos na teleseryeng “Ang Probinsyano” ni Coco Martin sa isang network.
Kinukuwestiyon nila ang script ng teleserye na bagama’t kathang-isip lang ay sumasalamin sa kasalukuyang imahen ng pulisya.
Kabilang pa nga si Bato sa mga kumuwestiyon, kasunod ang pagkansela ng suporta sa teleserye, ayon sa direktiba ni Police Community Relations Director Eduardo Garado:
“All units, offices, and personnel are advised to immediately refrain from assisting, to withdraw their support to the production of the said teleserye in terms of PNP resources like patrol cars, firearms, personnel, venues, and other items and gadgets being used in the teleserye.”
Akalain n’yo, sa kuhang larawan na kumalat sa social media ay lima lang ang okupadong upuan sa sinehan ng Trinoma noong January 31, ganap na 2:45 ng hapon.
Ang pagsemplang ng pelikula ay ‘bad omen’ sa ambisyon ni Bato na manalong senador sa darating na May 2019 midterm elections.
Aber, sa hirap ng buhay ngayon, sino ang magtitiyaga na gumasta sa napakamahal na bayad sa mga sinehan, lalo’t “fiction” at tulad ng pelikula ni Bato na hindi makatotohanan ang panonoorin?
Kaya lamang pinagtitiyagaan ng publiko ang teleserye ni Martin ay libre at hindi kailangan magbayad sa panonood.
PELIKULA NI BATO
TUNAY NA SURVEY
LALO tuloy tumingkad ang pagdududa nang marami sa mga political survey na ang talagang pakay lang ay ikondisyon ang isip ng mga botante.
Hindi ba’t mas kapani-paniwala ang resulta ng nilangaw na pelikula ni Bato kaysa mga survey ng Social Weather Station at Pulse Asia?
Ibig sabihin, mas kapani-paniwalang barometro ang pelikula kaysa naglalabas ng mga survey, sa pangunguna ng SWS at Pulse Asia.
Pumatok kaya sa takilya kung bago ganapin ang eleksiyon sa Mayo ay isapelikula rin ang buhay nina Sen. Grace Poe at Lito Lapid na umaangkas lang sa Ang Probinsiyano?
GOODBYE HARRY ROQUE!
KALUSUGAN ang idinahilan sa pag-atras ni dating presidential spokesperson Harry Roque sa pagtakbong senador.
Pero mas marami ang naniniwala na ang tunay na dahilan sa pag-urong ni Roque ay kabiguan na makuha ang endorsement ni Digong.
Sayang, ang laki pa naman ng nagasta ni Roque sa binabayarang programa sa teleradyo minsan isang linggo, bukod pa sa bayad na political advertisement sa malalaking network.
Simula pa lang ay buo na ang ating pasiya na hindi iboto si Roque dahil masyadong sumobra ang taas ng lipad mula nang siya ay maitalaga bilang presidential spokesman.
Kumbaga sa produkto, talagang mahirap ibenta si Roque sa mga botante.
Mabuti na rin naman para kay Roque ang maagang pag-atras na alam nating umaasa lamang sa hindi nasungkit na endorsement sa kanya ni Digong.
Pero saan kaya kinuha ni Roque ang malaking halaga na kanyang nagasta sa maagang kampanya pero hindi matutuloy na pagtakbo?
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid