Monday , December 23 2024

Hinuhulugang bahay at lupa bayad na, ipinangakong titulo ‘di makuha ng OFW sa Filinvest

GANAP nang naba­yaran ni Mhay Costales, isang OFW, sa Filinvest ang kanyang hinuhu­lugang bahay at lupa pero hanggang ngayon ay hindi pa niya naku­kuha ang titulo na ipi­nangakong ibibigay sa kanya ng developer – Filinvest.

Taong 2017 ay naitampok din natin sa pitak na ito ang katulad na reklamo ng isa rin OFW laban sa Filinvest pero wala tayong balita kung naaksiyonan ng Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) ang sumbong.

Kalimitan kasi ay walang nangyayari sa idinu­dulog na reklamo sa (HLURB) na mas pinapanigan ang mga developer na tulad ng Filinvest kaysa mga biktimang OFW.

Narito ang natanggap nating liham ni Costales nitong Martes, Jan. 22:

“Nais ko lang pong ireklamo ang Fil-Invest dahil sa mabagal nilang pag-aksiyon sa paglilipat ng titulo sa nabili kong Unit sa Cavite. Fully paid na po ang Unit Dec 2015. Sinabihan po nila ako ng 4 hanggang 6 na buwan ang proseso sa paglilipat ng titulo. Taon-taon po akong umuuwi ng Filipinas at ako ay nagpupunta sa kanilang opisina sa Boni, Mandaluyong City.

Noong June 2018 ang huli kong bakasyon at ako ay ulit na nagpunta sa kanilang opisina, pina­ngakuan nila akong end ng Nov. 2018 magka­karoon ng linaw ang aking titulo. Pero ngayon ay 2019 na at wala pa rin linaw.

Ako po ay dumudulog sa kinauukulan na mabawi ang dapat ay para sa amin na aming pinag­hirapan. Marami na po akong mga naka­kausap na OFW thru sa Filinvest Facebook wall nila at nalaman ko na hindi lamang ako ang may problema, kundi marami kaming mga OFW.

Sana po matulungan n’yo kami para makuha ang dapat ay para sa amin. Kami ay naghihirap sa ibang bansa para makapag-ipon para sa aming kinabukasan. Pero kung ang Filinvest lang ang kukuha ng aming mga pinaghirapan, nakakasama ng loob dahil sa ginagawa nilang panggigipit sa amin.

Sana po ay matulungan ninyo kami na mai­paabot sa kinauukulan ang aking reklamo sampu ng mga kapwa ko mga OFW na biktima ng Filinvest.

Maraming Salamat Po.”

Aber, subukan nga natin kung tunay ang pagpapahalaga at malasakit ng kasalukuyang administrasyon ni Pang. Rodrigo Duterte sa mga OFW!

 

LEONY PAGLINAWAN

NG KBP PUMANAW NA

NAKARATING sa amin ang balitang pumanaw na nitong Lunes (Jan. 21, 2019) ang kaibigan nating si Leony “Ma’m Leony” Pagli­nawan na katatapos lang magdiwang ng kan­yang ika-70 kaarawan noong nakaraang linggo (Jan. 17).

Sa mahabang panahon, si Ma’m Leony ay matapat na naglingkod sa Kapisanan ng mga Brod­kaster sa Pilipinas (KBP) bilang officer-in-charge ng broadcasters’ accreditation at kare­retiro lamang sa serbisyo noong nakaraang taon (2018).

Unang nakilala ng inyong lingkod si Ma’m Leony nang magsadya tayo sa opisina ng KBP upang sumailalim sa examination at pinalad na mabigyan ng accreditation at maging ganap na brodkaster, taong 1982.

Ang kanyang labi ay nakalagak sa kanilang tahanan sa 121 B. Manigbas St., Bolo, Bauan, Batangas hanggang maihatid sa kanyang huling hantungan.

Taos-pusong pakikiramay po ang paabot natin sa pamilya, mga kaanak at naulilang mahal sa buhay ni Ma’m Leony.

Para sa karagdagang detalye, tawagan si Lorena “Ate Baby” Fabie sa 09194057711.

 

PHIL. STAR CARTOONIST

AVE TIMBOY GUEVARRA, 72

PUMANAW na rin ang kilalang kartonista sa pahayagan na si G. Ave Timboy Guevarra sa edad na 72 anyos nitong Miyerkoles (Jan. 23).

Si G. Guevarra ay dating nagsilbi sa mga pahayagng Phil. Daily Express, Phil. Star at Daily News mula sa panahon ng Martial Law bilang editorial cartoonist hanggan gsa kanyang pag­reretiro.

Ibuburol siya sa kanilang tahanan sa Sun­shine Village, malapit sa simbahan ng GMA, Cavite at wala pang petsa kung kailan ililibing.

Mas madaling marating at matunton ng mga kakilala at dating kasamahan sa trabaho na nais makiramay ang lugar kung sa likod ng Southwood Mall sa GMA magdaraan.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *