NGAYON lang ako tunay na napahanga sa natamong tagumpay ng mga Filipino na nagdala ng karangalan sa bansa sa iba’t ibang larangan.
Talagang saan man sa mundo ay maipagmamalaki ng mga Pinoy si 2018 Miss Universe Catriona Gray dahil sa kanyang taglay na panlabas at panloob na kagandahan.
Malaking inspirasyon na pagtutularan si Ms. Gray upang mamulat ang marami sa katotohanan na mas makabuluhan ang tagumpay kung gagamitin din sa ikabubuti ng iba at hindi pansarili lamang.
Malayo sa kanya ang ibang mga kampeon, kahit pa si Manny Paquiao ay hindi maikokompara sa ating Ms. Universe na si Gray kung mabuting pagkatao ang pag-uusapan.
Ang malaking kaibahan ni Ms. Gray, hindi pa man niya hawak ang titulo bilang Ms. Universe ay ginagamit nang puhunan ang kanyang kagandahan sa pagtulong sa kapwa kahit hindi naman siya mayaman.
Si Ms. Gray ay isang mahusay din na singer-songwriter at nakalikha ng awitin na ang inspirasyon ay ang mahihirap sa Tondo, Maynila na nais niyang matulungan.
Sinsero si Ms. Gray na maipagpatuloy at mapalawak pa ang hangarin na makatulong sa mahihirap nating kababayan sa Tondo, at ito ang ginamit niyang inspirasyon para sa katuparan ng minimithing pangarap sa paglahok sa Miss Universe beauty pageant na ginanap sa bansang Thailand.
Wala pa tayong alam na tulad niyang nanalo sa Miss Universe at ibang larangan na nakita nating nakihalubilo nang totohanan sa mahihirap, lalo’t wala namang kapalit at mapapala.
Bago siya tumulak at lumahok sa ginanap na Ms. Universe pageant, wala tayong nabalitaan na politiko at opisyal ng pamahalaan ang tumulong kay Ms. Gray, kahit moral support man lamang.
Ang kaisa-isang tao kasi na alam nating todo ang suporta kay Ms. Gray, si retired Philippine Air Force (PAF) Col. Ricardo Nolasco, Jr., ang may-ari ng Hanna’s Resort sa Pagudpud na pangunahing sponsor niya, ay pumanaw noong nakaraang Hunyo.
Ngayong hawak na niya ang korona at titulo ay saka nagkakandarapa at nag-uunahan ang mga damuhong politiko at opisyal ng pamahalaan na makisakay sa tagumpay para mapasama ang kanilang pangalan sa karangalang natamo ni Ms. Gray bilang 2018 Miss Universe.
Masamang bisyo na kasi ng mga hindoropot na politiko ang makisakay sa tagumpay ng iba, lalo na kapag may eleksiyon.
Diyan dapat mag-ingat ang bago nating idolo na Miss Universe, baka mapagsamantalahan siya ng mga walanghiyang politiko at magamit siya sa politika.
Marami naman ang tiyak na tutulong kay Ms. Gray sa pagsusulong niya ng mabuting adhikain para sa mahihirap mula sa business sector nang hindi mababahiran ang paghanga sa kanya ng mga Filipino.
Natamo ni Ms. Gray ang tagumpay dahil sa sarili niyang pagsisikap na kanyang pinaghirapan sa mahabang panahon at taglay na mga katangian na hindi kailanman nanggaling kahit kanino, kung ‘di mula sa Itaas.
Si Ms. Gray ang magsisilbing boses ngayon sa buong mundo para sa mahihirap at karaniwang Filipino – hindi si Mocha na nagpapanggap lamang.
Mabuhay ang ating tunay na Ms. Universe na hindi plastikada!
NAPATAWAD NA KAYA NG IBANG SENADOR SINA BONG AT JINGGOY?
SA kasagsagan ng pork barrel scam sa Senado, kapwa ibinisto nina dating Senators Ramon “Bong” Revilla, Jr., at Jinggoy Estrada na nabigyan ng karagdagang tig-P50 milyones na “discretionary funds” ang mga senador na bumoto pabor sa pagpapatlsik kay dating yumaong Chief Justice Renato Corona sa Supreme Court.
Dala ng matinding galit ay mukhang nadulas sa kanilang ginawang pag-amin sina Bong at Jinggoy kaya’t ikinanta ang kababalaghan sa pagitan ng senado at Palasyo sa impeachment trial kay Corona.
Nagalit kasi sa kanila ang 18 senador na kasamang bumoto nina Bong at Jinggoy para sa conviction ni Corona.
Ang tanong lang nang marami, napatawad na ba nila sina Bong at Jinggoy?
Hehehe!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid