KOMPIYANSANG-KOMPIYANSA si dating Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr., na muling mananalo sa susunod na eleksiyon kaya naman nagbantang bubuweltahan ang mga umano’y kalaban sa politika sa sandaling makabalik sa Senado.
Sa isang panayam sa kanya, tiniyak ni Bong na gagamitin ang anting-antot, este, anting-anting para paghigantihan ang mga may ginampanang papel sa pagkakasampa ng kasong plunder laban sa kanya kaugnay ng pork barrel scam. Nang tanungin sa kanyang legislative agenda, sabi ni Bong:
“‘Yung legislative agenda meron, para roon sa false accusers, dapat may counter tayo riyan dahil hindi tama ‘yung nangyayari.”
Tsk tsk tsk… balak pala gamitin kung saka-sakali ni Bong ang kanyang agimat sa personal vendetta na kompiyansang muli siyang mahahalal.
Pinagmatigasan din ni Bong na hindi magsasauli ng kuwarta na ipinag-utos sa desisyon ng Sandiganbayan.
Dapat ipaunawa ng kanyang abogado kay Bong na ang pag-absuwelto sa kanya ng Sandiganbayan ay dahil sa “technicality” lang.
Katunayan, nahatulang guilty ang kanyang mga co-accused na sina Janet Lim-Napoles at dating chief-of-staff ni Bong na si Richard Cambe.
Kaya nga tinanggal ng Sandiganbayan First Division ang “conspiracy” na pangunahing elemento sa batas ng plunder ay para ma-justify o bigyang katuwiran na iabsuwelto si Bong.
Ibig sabihin, komo inabsuwelto ay hindi nga guilty si Bong.
Intiendes?
PORK BARREL TULOY RIN
KAHIT LABAG SA BATAS
NAKATAGPO nang ilang kakampi sa Senado si Department of Budget and Management (DBM) Sikwatari, este, Secretary Benjamin Diokno kasunod ng P71-B pork barrel “insertions” sa 2019 national budget na nabulgar sa Kamara.
Sumaklolo ang mga dumepensang senador matapos mabigong ipaliwanag ni Diokno hanggang ngayon ang “family tree” na nag-uugnay sa kanya at sa bilyones na pondong isiningit sa 2019 budget para sa Catanduanes at bayan ng Casiguran sa nabanggit na lalawigan.
Pero malabnaw pa sa lugaw ang depensa ng mga kakampi ni Diokno sa Senado na ang pakay ay ilihis ang isyu palayo sa nabulgar na insertion nang bilyon-bilyong pork barrel funds na pinagplanohang ipalaman sa 2019 budget ng bansa.
Nataranta ang ilang senador kaya’t puwersado silang idepensa si Diokno dahil mabibisto ng publiko na tuloy pa rin pala ang pagsasamantala sa pondo ng bayan kahit ang pork barrel ng mga mambabatas ay idineklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema, ilang taon ang nakararaan.
Sa kanyang depensa kay Diokno, sabi ni Sen. Sonny Angara:
“Secretary Ben Diokno is known to be a man of integrity. And I won’t be surprised if that’s how people regard him, especially those who know him well as a UP (University of the Philippines) professor and have worked with him as budget secretary.”
At kahit pa tawagin sa pamagat na “adjustments” ni Diokno ang nabistong insertions ay pork barrel pa rin ang tawag diyan!
Maliwanag na maanomalya ang insertions na deretsahang dapat ipaliwanag ni Diokno — lalo ang isyu ng “kamag-anak incorporated” sa Casiguran at lalawigan ng Sorsogon na makikinabang sa isiningit na pondo sa 2019 national budget.
Si Diokno ay balae ni Sorsogon Vice Gov. Ester Hamor, biyenan ng anak na si Charlotte Justine Diokno-Sicat.
Si Casiguran Mayor Edwin Hamor ang kasalukuyang asawa ng bise gobernador at stepfather o amain ng manugang ni Diokno.
Nabulgar sa Kamara na ang Sorsogon ay nagtamasa ng budget allocation na P10 bilyon noong 2018, habang P6 bilyon naman ang isiningit ng DBM para sa 2019.
Kadudaduda rin kung bakit ang mga kontrata sa bayan ng Casiguran at mga lalawigan ng Sorsogon at Camarines Sur ay nakopo ng iisang contractor na naka-base sa lalawigan ng Bulacan.
Ang kompanyang C.T. Leoncio Construction ay naiparehistro lamang noong Feb 2014 sa Securities and Exchange Commission (SEC) pero 2011 pa umano nakakukuha ng matatabang kontrata sa gobyerno.
At ang kahanga-hanga ay suspendido pala, ayon sa SEC, ang lisensiya ng pinagpala sa ‘di lang pinagpalang contractor na CT Leoncio Construction.
‘Yan ang mga dapat ipaliwanag sa publiko dahil ang integridad ay hindi lisensiya sa pagnanakaw.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid