Friday , November 15 2024

Pondo ng pamahalaan sinisindikato ni Diokno

NAGAWA pang pagta­wanan ni Department of Budget (DBM) sikwatari, ‘este, Secretray Benja­min Diokno ang ipina­sang resolusyon laban sa kanya ng mga mam­babatas na kaalyado ng administrasyon.

Sa ipinasang House Resolution 2365 na suportado ng over­whelming majority sa Kamara, hinihiling ng mga mambabatas na kaalyado ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte ang pagsibak kay Diokno kasunod ng nabulgar na “insertion” o ‘pagsingit’ ng pork barrel funds sa 2019 budget ng gobyerno para makopo ng isang ‘contractor’ ang bilyon-bilyong projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ibinulgar ng mga mambabatas ang “Kamag-anak Incorporated” ni Diokno na tumutukoy sa isang Consolacion T. Leoncio, may-ari ng CT Leoncio Trading and Construction na nakakopo sa malalaking kontrata sa mga proyekto ng DPWH.

Ayon kay House Majority Leader Rolando Andaya, Jr., hindi naipaliwanag ni Diokno kung paano nakakuha ng malalaking proyekto ang isang sole proprietorship na kompanya.

Sabi ni Andaya, ngayong 2018, ang naturang kompanya ay nakakuha ng P10 billion allocation sa DBM at P6 bilyon pondo naman sa 2019 projects para sa lalawigan ng Sorsogon.

Kabilang sa minaniobrang fund allocation ang P1.7 bilyon para sa 32 projects na mapupunta sa bayan ng Casiguran na ang alkalde ay si Edwin Hamor, asawa ni Vice Gov. Ester Hamor ng Sor­sogon. Si Vice Gov. Hamor ay biyenan ng anak ni Diokno na si Charlotte Justine Diokno-Sicat na assistant professor sa University of the Philippines Cesar E.A. Virata School of Business.

Sa Camarines Sur, P398 milyong fund allocation para sa tatlong proyekto ngayong taon ang nakuha ng CT Leoncio sa DBM, habang P214 milyon para sa anim na proyekto na flood and river control sa Catanduanes.

Base sa records ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang C.T. Leoncio Construction ay nairehistro lamang noong Feb. 4, 2014 pero noong 2011 pa nakakukuha ng malalaking kontrata sa pamahalaan. Napag-alaman din na ang naturang kompanya ay kasalukuyang suspendido, ayon sa SEC.

Sa madaling sabi, sinisindikato ni Diokno ang mga alokasyon sa mga government projects na alam niyang may mapapaboran. Sa kabila ng malalim na pagkakahukay sa ‘Lihim ng Guadalupe’ ay nagmayabang pa si Diokno na papurihan ang kanyang sarili, aniya: “I serve at the pleasure of the President. I was chosen by three presidents as budget deputy minister, then as secretary. That speaks volumes of their trust and confidence in my integrity, honesty and competence.”

‘Yan naman ang laging depensa na isinasangkalan ng mga taong walang delicadeza na kapit-tuko sa puwesto kahit maliwanag na sabit sa malaking eskandalo ng katiwalian. Kunsa­bagay, ipinagtaka na natin noon pa man ang pagkakatalaga ni Digong kay Diokno sa simula pa lang dahil siya rin ang DBM ni ousted president at convicted plunderer Joseph ‘Erap’ Estrada na pinatalsik ng taong-bayan sa puwesto.

Pero hindi ganyan gumagana ang batas sa ibang malalaking bansa kaya sila umunlad, tulad sa South Korea. Ang dating babaeng pangulo ng SoKor na si Park Geun-hye ay nakakulong ngayon sa kaso ng “conflict of interest.”

Inakusahan si Park Geun-hye na nagamit siyang impluwensiya ng isang malapit na kaibigan para makakuha ng pabor sa Samsung na isang pribadong kompanya.

Sa madaling sabi, hindi direktamente ang pagkakaroon ng conflict of interest at hindi pera ng gobyerno at mamamayan ang pinag-uusapang nakamal sa transaksiyon. Pero ang masaklap, nadagdagan pa ang parusa laban sa dating pangulo na umaabot sa 36-taon ang naging hatol na pagkabilanggo sa kanya.

Ang kawalan ng remorse o pagsisisi ang dahilan kung bakit pinalawig ng hukuman ang sentensiya kay Park Geun-hye. Ayon sa ulat, pinahahalagahan ng hukuman sa SoKor ang remorse para mapababa ang hatol ng isang nagkasala sa batas.

Samantala dito sa atin, kahit mabigat ang kaso at nahatulan dahil sa pag-abuso sa tungkulin at pagnanakaw, ayaw pa rin aminin ang nagawang kasalanan sa bayan.

Masuwerte sina Diokno, Jose Calida, Bong Revilla at ang mag-amang Erap at Jinggoy Estrada dahil dito ay walang opisyal sa pamahalaan ang nakukulong dahil sa conflict of interest at pagna­nakaw.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *