SIMULA sa susunod na school year (2019-2020), bibigyan ng kapangyarihan ang mga unibersidad at kolehiyo na magpatupad ng mandatory drug testing sa kanilang mga estudyante. Kung mandatory na ang drug testing, maaari nang obligahin ng mga pamantasan ang lahat ng estudyante nila na magpasuri sa droga.
Nagulat tayo sa balitang ito dahil wala namang bagong batas na naipasa hinggil dito. Sa halip, naibigay ang bagong kapangyarihang ito sa mga pamantasan batay lamang sa Memorandum Circular No. 18 na inisyu ng Commission on Higher Education (CHED) nito lamang 26 Oktubre 2018.
Tila ito ang sagot ng CHED sa kahilingan ng Philippine Drug Enforcement Administration (PDEA) na magpatupad ng mandatory drug testing sa lahat ng paaralan sa bansa — mula Grade 4 sa elementarya hanggang kolehiyo. Batay kasi sa datos ng PDEA, mahigit kalahati ng bilang ng mga naaresto sa ilegal na droga ay estudyante. Hindi pumayag ang Department of Education (DepEd) sa planong isama ang elementary at high school students sa mandatory drug test. Halos P2.8 bilyon kasi ang kailangan para maipa-drug test ang 14 milyong estudyante mula Grade 4 hanggang Grade 12. Sa halip na gawing sapilitan, nagpapatupad na lamang ng random drug testing ang DepED para sa 21,000 high school students at 10,000 teachers.
Kung pagbabasehan ang Memorandum Order No. 18, seryoso naman ang CHED sa hangaring pagbigyan ang kahilingan ng PDEA. Nakasaad sa Sec. 15 ng nasabing memorandum na maaaring magpatupad ng mandatory drug testing sa kanilang mga estudyante ang mga Higher Educational Institutions (HEI) kung nanaisin nila. Ang kailangan lamang gawin ng HEI, ilagay ang nasabing polisiya sa kanilang Student’s Handbook bilang bahagi ng mga regulasyon sa pagtanggap ng bagong estudyante (admission) at pananatili ng mga lumang estudyante sa pag-aaral (retention). Kailangan ding isalang ng Board of Governors ang nasabing polisiya sa konsultasyon sa student government at iba pang sektor sa kampus. Dapat umanong matapos ang konsultasyon sa Pebrero 2019.
Kung magiging positibo sa droga ang estudyante, hindi ito maaaring gamitin ng pamantasan para paalisin siya sa pag-aaral. Obligasyon lamang ng Drug Testing Coordinator ng pamantasan na magpatawag ng komperensiya sa estudyante at magulang para pag-usapan ang resulta ng drug testing. Nakadepende pa rin sa Student Handbook kung ano ang kailangang gawin ng estudyante para maalis sa impluwensiya ng droga at magpatuloy sa pag-aaral. Obligasyon din ng pamantasan na siguruhing confidential ang resulta ng drug testing na isasagawa. Layon kasi nito na protektahan ang reputasyon ng mga estudyanteng mapapatunayang gumagamit ng ilegal na droga.
Mabuti man ang intensiyon ng CHED sa pagpapalabas ng memorandum circular, nakatitiyak tayo na kukuwestiyonin ang legalidad ng mandatory drug testing sa Korte Suprema. Mismong si PDEA Director General Aaron Aquino kasi ay umamin na kailangang magpasa ng bagong batas para magpatupad ng mandatory drug testing at maamyendahan ang Republic Act 9165 o the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Nakasaad sa Section 36 ng nasabing batas na random drug testing lamang — at hindi mandatory drug testing — ang puwedeng ilagay sa Student Handbook para sa mga high school at college students.
Dagdag din na problema para sa mga magulang ang gastos sa drug testing ng mga anak na pinapaaral. Ang alam natin, aabot sa P180 ang halaga ng drug test sa mga ospital na pinapatakbo ng Department of Health (DOH). Maliit na halaga para sa may kaya pero malaking parusa para sa mahihirap.
Kung talagang seryoso ang gobyerno sa drug testing, nararapat lamang na maglaan ito ng kaukulang pondo para sa nasabing programa. Malaki ang maitutulong kung isasama ang nasabing pondo sa 2019 national budget na pinagdedebatehan pa ngayon sa Kongreso. Malaking tulong din kasi ito sa mga magulang na nagpapaaral ng mga anak sa kolehiyo. Kaisa tayo ng gobyerno sa layunin na linisin ang mga paaralan sa impluwensya ng iligal na droga. Sana lamang ay magawa natin ito nang hindi lumalabag sa mga karapatang pantao.
PINGKIAN
ni Ruben Manahan III