SA araw na ito, ika-3 ng Agosto, ginugunita ang 116 anibersaryo mula nang ipahayag ng teologo at sosyalistang labor leader na si Don Isabelo de los Reyes o Don Belong sa ating bayan ang Iglesia Catolica Filipina Independiente kasama ang mga kasapi ng Union Obrera Democrata, ang unang kilusang manggagawa sa Filipinas.
Ang ICFI, na mas kilala ngayon sa pangalang Aglipay, ang Pambansang Simbahan ng Filipinas dahil ito ay anak ng himagsikang Filipino laban sa pang-aabuso ng mga Kastilang prayle’t simbahang Romano at pananakop ng mga dayuhan, lalo na sa panahon ng digmaang Filipino-Amerikano.
Masasabi rin na ang ICFI ay bunga ng mga sakripisyo ni Padre Pedro Pelaez, ang unang paring Filipino na administrador ng Romano Katolikong Diyosesis ng Maynila at ama ng kilusang secularization para sa mga katutubong pari; at nina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora na mas kilala bilang Gomburza at Ama ng Kaakohang Filipino (Filipino national identity).
Hindi maitatatwa na ang makabagbag damdaming kamatayan ng Gomburza sa Bagumbayan (Rizal Park ngayon) ang nagsilbing mitsa ng Himagsikang 1896 na pinangunahan ng unang Pangulong Bayan na si Andres Bonifacio.
Ito ang ilan sa mga dahilan kaya hindi kataka-taka na malaking bahagi ng kasapian ng ICFI ay mga beterano ng Katipunan ni Bonifacio. Ang damdaming makabayan at pananampalatayang mapagpalaya ang nagbunsod sa mga mananampalatayang Filipino na humiwalay sa Roma at itatag ang Pambansang Simbahan bilang karapat-dapat na papasan sa mga pangangailangan ng bayang Filipinas.
Dapat din na maging malinaw na bagamat may hibo ng pagiging protestante, ang buod ng pananampalataya na sinasandigan ng ICFI ay nananatiling Kristiyano’t Katoliko kaya patuloy na idinarasal ang Nicean Creed sa mga misa nito.
***
Si Gregorio Aglipay, isang dating pari ng Simbahang Romano Katoliko at military vicar ng rehimen ni Emilio Aguinaldo, ang unang obispo ng ICFI. Gayonman, bagama’t ang simbahan ay nakilala rin ng madla bilang Simbahang Aglipay, ay marapat lamang na maging malinaw na ang nagproklama sa simbahan sa ating bayan ay si Don Belong at si Aglipay ang napili ni De los Reyes upang maging unang obispo nito.
Ayon sa mga kuwentong bayan, nagpasyang sumanib si Aglipay sa ICFI matapos ang isang mainitang pakikipagtalo sa noon ay Arsobispo ng Maynila na si Bernardino Nozaleda, isang Kastilang baliktarin, sa loob ng Apostolic Center sa Sta. Ana, Maynila.
***
Ang rebolusyonaryo at mapagpalayang katangian ng ICFI ang dahilan kung kaya kahit protestante ang mga Amerikano, kanilang kinampihan sa iskismo ng Simbahang Romano Katoliko at ICFI ang una, dahil bukod sa makapangyariha’t mayaman ito, baliktarin ang mga obispo nito. (Maka-Kastila sa panahon ng mga Kastila at maka-Amerikano sa panahon ng mga Amerikano).
Ang pagkatig ng mga Amerikano sa baliktaring mga obispo ang dahilan kaya nakilala at tinanggap ng taong bayan ang ICFI bilang Simbahan ng mga Dukha at kung bakit maliliit ang mga simbahan ng ICFI ngayon kompara sa mga simbahan ng mga Romano Katoliko.
***
Muli, isang maalab na pagbati ang hatid ng Usaping Bayan sa mga mananampalataya na kabilang sa ICFI sa pagdiriwang ng ika-116 anibersaryo nito.
Mabuhay ang Iglesia Catolica Filipina Independiente.
***
Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po. Pasyalan n’yo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.
USAPING BAYAN
ni Nelson Forte Flores