MAYROON pagbabalik tanaw sa kultura at edukasyon na nagaganap ngayon sa Commonwealth of Northern Mariana Islands bilang pagtatangka ng mga katutubong Chamorro at Carolinian na mapanatili ang kanilang kaakohan o national identity sa gitna ng rumaragasa at kadalasan ay mapanirang kulturang kanluranin, bunsod ng pagiging kolonya nila ng US.
Hindi lamang iisang komperensiya at pag-aaral ang nagaganap ngayon sa CNMI na ang layunin ay tanawing muli at panatilihin ang katutubong wika at kultura na kinamulatan ng kanilang mga ninuno bago pa man sila nasakop ng mga dayuhan.
Mayabang at masigasig nilang pinagyayaman muli ang kanilang mga wika sa mga paaralan at binubuhay ang mga kaugaliang katutubo sa mga pamayanan na ginagalawan. Ang mga hakbang na ito ay daan sa paglaya ng kanilang kaakohan na nilulukuban sa ngayon ng mga puwersang kanluranin.
Harinawa ay maanggihan tayo ng diwa ng kanilang “Himagsikang Pangkultura” at baka sakali ay maisalba pa natin ang mga nalalabing kaugalian na dahan-dahang pinaglalaho ng ating mala-kolonyal na sistema ng edukasyon.
***
Tama ang pagsusuri ng edukador mula sa CNMI na si Deborah Ellen kaugnay sa naturalesa ng sistema ng edukasyon ngayon. Hindi lamang sa Northern Marianas akma ang kanyang itinuturo kundi dito na rin sa atin sa Filipinas.
Ani Ellen, ang pangunahing layunin ng kanluraning sistema ng edukasyon, mapa-Ingles o Amerikano, na sinususo natin ngayon ay pagyamanin ang mga korporasyong transnational at multi-national. Hindi aniya tayo nag-aaral para sa ating sariling bayan kundi para maging disiplinadong manggagawa o empleyado ng mga naturang korporasyon.
Sinabi pa niya na hindi rin natin dapat malimutan na isinubong pilit sa atin ang naglalakihang edukasyon sa pagtatangka na gawing standard ang lahat. Ang masakit nito ay sinusukat ang ating tagumpay o kabiguan sa buhay sa pamamagitan ng mga standard na ipinilit lamang sa atin para sa kapakinabangan ng mga dayuhang korporasyon.
Kaya hindi kataka-taka na ang mga kursong alok sa ating mga paaralan ay walang silbi para sa isang third world na bansa tulad natin, lalo na kung hindi ito gagamitin para sa mga korporasyon na pag-aari ng mga dayuhan o mga organisasyon na tumutugon sa pangangailangan ng mga dayuhan.
Ito ang pangunahing dahilan, hindi lamang ang mababang sahod, kaya kailangang umalis pa ng bansa ang mga nakapag-aral at tumungo sa ibayong dagat para doon mamasukan. Ito ang numero unong dahilan kaya may “brain drain.” Walang puwedeng paggamitan ng mga natutuhang kanluraning kaalaman dito sa ating bayan ang mga nakapag-aral dahil hindi angkop ang teknikal na antas ng bansa sa mga itinuturo’t natututuhan sa paaralan.
Sa kabila ng kasalatan sa pakinabang ng mga kursong inaalok sa mga mag-aaral natin ay may nakita ba tayo na kurso sa mga unibersidad na tunay na magpapayaman sa katutubong kaalaman at mapakikinabangan ng baya’t lipunan?
***
Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po. Pasyalan n’yo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.
USAPING BAYAN
ni Nelson Forte Flores