NITONG nagdaang araw ng Linggo ay ang ika-447 taon na pagkatatag ng Maynila.
Ayon sa tala ng mga historyador na Kastila, ang Maynila ang ikalawa sa pinakamantandang ciudad sa Fiipinas, kasunod ang Cebu sa gitnang Visayas. Ang Maynila ay itinatag noong 24 Hunyo 1571 ng conquistador na si Miguel Lopez de Legazpi matapos gapiin ang Kaharian ng Maynila na pinamumunuan ni Rajah Suleiman.
Ang Maynila na dinatnan ng mga Kastila ay isang mayamang kaharian na pinaninirahan ng mga Tagalog mula pa noong ika-12 siglo. Ang kahariang ito ay bahagi ng Sultanado ng Brunei at may ugnayang komersiyal sa Ming Dynasty ng Tsina at mga kalapit na kaharian sa Timog Silangang Asya.
May mga ebidensya rin na nagsasabing bago naging bahagi ng Sultanado ng Brunei ang Maynila, na kilala rin sa pangalan na Selurong, ito at ang Sulu ay bahagi ng emperyong Madjapahit.
Karamihan sa mga Tagalog na nanirahan sa Maynila noong dumating ang mga Kastila ay mga Sunni Muslim at pinamumunuan ni Rajah Suleiman na may palasyong kawayan na nakatayo kung saan naroroon ngayon ang Fort Santiago.
Ang Maynila ay nasa bunganga ng Look ng Maynila o Manila Bay at nahati ito sa hilaga at timog na bahagi ng ilog Pasig. Ang Tondo ang sentro noon ng kapangyarihang politikal sa Maynila dahil sa mga panahong iyon, bago dumating ang mga mananakop na kanluranin, ay Tondo ang tirahan ng mga naging hari ng “Bayan ng Maynila.”
Dapat din maging malinaw sa lahat na ang mga naghari sa Maynila ay hindi hari-harian o chieftain lamang kundi talagang hari na kinilala ng emperador ng Tsina.
Ang Maynila ang ginawang kapitolyo ng mga Kastila sa panahon ng kanilang pananakop. Gano’n din ang ginawa ng mga Amerikano at Hapones sa panahon ng kanilang pananatili sa lupa nating mga Kayumanggi.
Ang tradisyon na pagkilala sa Maynila bilang kapitolyo ng bansa ay ipinagpatuloy na rin nating mga Filipino sa kasalukuyan.
Hitik sa kasaysayan ang Maynila, lalo na’t dito nagsimula ang pambansang himagsikan noong 1896 sa pamumuno ng isang tunay na Anak ng Maynila na si Andres Bonifacio. Naging saksi rin ang Maynila sa kataksilan ng mga Amerikano laban sa atin noong panahon ng kanilang kunwari’y ‘pakikidigma’ sa España, na naging pamoso sa katawagan na “Mock Battle of Manila Bay.”
Ang Maynila ang naging ikalawa sa pinakawasak na lungsod noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig kasunod ang Lungsod ng Warsaw sa Poland. Winasak ng mga Amerikano ang Maynila kahit deklarado ng mga Hapones na “Open City.”
Sa Maynila rin pumutok ang “Unang Sigwa ng Paghihimagsik” o “First Quarter Storm” ng mga mag-aaral laban sa diktadura ni Ferdinand Marcos noong unang bahagi ng dekada 70 at naging saksi rin ang maraming lansangan, kabilang ang makasaysayang Daang Mendiola, noong dekada 80 sa mga malawakang pagkilos ng mga mapagpalaya at progresibong puwersa, na nag-uwi sa pagpapatalsik sa Diktadurang-US Marcos noong 1986.
Marami pang kaganapan sa Maynila subalit kakapusin ang pahina ng ating pahayagan para maibahagi ito. Hayaan na lamang ninyo na batiin ko ang aking mga kapwa Anak ng Maynila ng isang Maligayang Anibersaryo.
Mabuhay tayong mga Anak ng Maynila.
***
Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po. Pasyalan n’yo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com na lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.
USAPING BAYAN
ni Nelson Forte Flores