HINDI maitatanggi na naging kontrobersiyal ang pagpapatalsik ng Supreme Court kay Chief Justice Lourdes Sereno.
Hindi ito naaayon sa Konstitusyon na nagsasaad na ang Pangulo, Bise Presidente, mga mahistrado ng Supreme Court, mga commissioner ng Civil Service Commission, Commission on Elections, Commission on Audit at ang Ombudsman ay maaari lang alisin sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment.
Ang impeachment ang proseso na ang mga nabanggit na opisyal ay puwedeng mapatalsik sa puwesto kapag may nagsampa ng reklamong impeachment na sinisimulan sa Kongreso at kapag nakapasa ay lilitisin sa Senado. Alalahanin na ang naturang mga opisyal lang ang puwedeng paalisin sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment.
Ang ibang public officials at employees ay puwede namang mapaalis sa puwesto nang naaayon sa batas pero hindi sa prosesong impeachment.
Idinaraan sa impeachment ang reklamo upang matiyak na ang mga nabanggit na opisyal na tulad ng Pangulo at mga mahistrado ng SC na humahawak ng mga sensitibong posisyon ay mananatili sa puwesto at makapagtatrabaho nang maluwag, malaya at walang agam-agam sa mga pagbabanta na baka mapatalsik sila sa puwesto dahil may mga hindi sumasang-ayon sa kanilang mga naging desisyon.
Sa kabilang banda, ang Quo Warranto naman ay legal proceeding na ang isang public officer ay kinukuwestiyon sa paghawak ng puwesto sa gobyerno nang ilegal o labag sa batas. Sa madaling salita ay kinukuwestiyon ang kuwalipikasyon ng naturang public official sa paghawak ng puwesto.
Ang Quo Warranto ay puwedeng magamit sa lahat ng public officers at employees maliban sa mga opisyal na puwedeng ma-impeach tulad ng Pangulo, Bise Presidente at ng kanilang mga kagrupo.
Ang tanong tuloy ng marami ay maaari kayang manaig ang Quo Warranto sa ating Konstitusyon? Ang sagot ay hindi, dahil ang Konstitusyon ang pinakamataas na batas samantala, ang Quo Warranto ay ni hindi batas kundi isang patakaran lamang.
Masisisi ba natin ang maraming tao kung magkaroon sila ng pagdududa ngayon sa pagpapatalsik kay Sereno? Nagduda tuloy sila sa sinseridad ng SC na gampanan ang tungkulin at batayan sa pagpapaalis kay Sereno. Sinibak si Sereno dahil nabigo raw mag-file ng SALN sa loob nang ilang taon at umabuso raw sa kapangyarihan.
Mapai-impeach lang ang opisyal sa paglabag sa Konstitusyon, treason, bribery, graft and corruption a betrayal of public trust. Kung nagsinungaling si Sereno nang mag-apply sa Judicial and Bar Council ay dapat umaksiyon ang JBC at hindi siya pinayagang mapuwesto. Ngayong CJ na si Sereno ay mapatatalsik lang siya sa pamamagitan ng impeachment at walang iba pa. Iyan ang isinasaad ng batas.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa[email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert Roque, Jr.