DAGDAG na kalbaryo na naman ang daranasin ng publiko sa panibagong pagtaas ng singil sa koryente ngayong Marso at sa mga susunod na buwan.
Ngayong buwan ay 85 sentimos na karagdagang halaga ang isusuka ng publiko kada kilowatt-hour na konsumo sa koryente, ayon sa Manila Electric Co. (Meralco).
Kung pakikinggan ay parang nagmamagandang-loob pa ang Me-ralco at sa Abril na lang daw nila itotodo sa P97 ang karugtong na P12 per kwh na dagdag-singil sa koryente.
Baka naman nakikiisa ang Meralco sa nala-lapit na paggunita ng Semana Santa para kahit bahagya ay makapagbawas ng malaking kasalanan laban sa sangkatauhan?
Okey lang sana kung sa Meralco babakat ang latay ng mga hampas at hindi sa balikat ng publiko na laging pumapasan ng mabigat na krus sa walang tigil na pagtaas ng singil sa koryente.
Noong nakaraang buwan lamang ay nagtaas ng singil ang Meralco na umabot sa halagang P10.32 per kWh.
Wala na halos natitira sa karampot na kita ng karaniwang mamamayan at halos kulangin pa dahil sa walang katigil-tigil na pagtaas sa singil ng koryente at tubig na hawak ng mga oligarch.
Sa panahon ni yumaong dating Pang. Ferdinand E. Marcos, nunca, ni minsan ay wala tayong narinig na nagreklamo sa singil ng koryente at tubig.
Protektado ni Marcos ang publiko noong Martial Law dahil gobyerno ang kumontrol ng public utilities, tulad ng Meralco na isinailalim sa sequestration.
Magaan din ang singil sa tubig ng National Water Supply and Sanitation (Nawasa) na pinatatakbo ng gobyerno.
Sa loob ng mahabang panahon ay hindi nagtaaas ng buwis ang administrasyon ni Marcos at walang problema sa pagtaas ng presyo sa mga produktong petrolyo kaya’t hindi tumataas ang halaga ng mga bilihin.
Hindi apektado ang publiko kahit magtaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Itinatag ni Marcos ang Oil Price Stabilization Fund (OPSF) na kumukuha ng buwis sa benta ng mga produktong petrolyo.
Sa OPSF kinukuha ang pera para iabono kapag tumaas ang halaga ng mga oil products sa world market.
May sarili rin tayong kompanya para sa supply ng mga produktong perolyo – ang Petron na pag-aari ng gobyerno.
Nakapako sa mababang halaga ang mga oil products dahil sa OPSF at Petron kaya’t magaan ang pamumuhay sa panahon ni Marcos.
Pero ang OPSF ay binuwag ni yumaong Pang. Cory Aquino, habang ang Petron ay naibenta sa panahon ni dating Pang. Fidel V. Ramos kaya’t ganap na nawala ang proteksiyon ng mamamayan.
‘Yan ang katotohanan na hindi alam ng kasalukuyang henerasyon natin na napaniwala ng mga inilakong “fake news” noon laban kay Marcos.
MOCHA, MODELO RAW
NG MGA KABABAIHAN
IBA ang epekto kay Presidential Spokesman Harry Roque ng puwesto at kapangyarihan.
Aba’y, muntik na sigurong napabangon sa libingan ang mga ninuno ni Roque na nagsabing “role model for women” daw ang dancer turned Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Sec. Mocha Uson.
Hindi ba ang kahulugan kapag tinawag na isang role model ay dapat tularan?
Ang hindi lang niliwanag ni Roque ay kung ang sinomang kababaihan ay naghahangad na humawak ng mataas na puwesto sa pamahalaan ay dapat din sundan kung paano nag-exhibition noon si Uson sa nakaraan niyang propesyon.
Saang paaralan kaya itinuturo ang klase ng moralidad na natutunan ni Roque?
Sa tono ng pagsisipsip ni Roque, may tatalo pa pala kay Evita Peron ng Argentina sa pababaan ng lipad.
KALAMPAG
ni Percy Lapid