MAHUSAY ang paalala ng Philippine National Police (PNP) na huwag ‘ipagyabang’ sa social media kung saan ang destinasyon bukas sa paggunita ng Undas.
Isa nga naman itong pag-anyaya sa masasamang loob para looban ang inyong mga tahanan.
Ikalawa, sana’y maging mulat sa obserbasyon ng Undas ang ating mga kababayan. Bukod sa pagpunta sa puntod ng mga mahal sa buhay na yumao na, ipagdasal din sila o kaya ay ipagpamisa.
Sabi nga, mas kailangan ng mga kaluluwa ang dasal.
Iwasan rin ang maling praktis kapag nasa puntod ng mga mahal sa buhay.
Hindi naman kailangan maging maingay o magdala ng maraming pagkain at pagkatapos ay nag-iiwan ng maraming kalat. Huwag kalimutan na wala kayo sa picnic grounds.
Huwag maingay. Irespeto ang pananahimik ng ibang nag-oobserba ng Undas.
Baka nalilimutan ninyo, bawal ang matatalas na bagay, inuming nakalalasing, sugal o iba pang laro na pagmumulan ng disrespeto sa mga yumaong mahal sa buhay.
Higit sa lahat, iwasang mag-engage sa iba’t ibang uri ng pagtatalo.
Isang mapayapang Undas po sa inyong lahat.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap