NGAYON lang nagkaroon ng katapat na Presidente ang Philippine Airlines (PAL).
Sa loob nang mahabang panahon, lalo noong panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos, masyadong spoiled ang PAL na pag-aari ng mogul na si Lucio Tan.
Spoiled dahil malayang nagagamit ng mga kompanya ni Tan ang mga pasilidad ng gobyerno pero siya ang nasusunod kung kailan niya gustong magbayad.
Hindi lang milyon-milyon kundi bilyones ang utang ng kompanya ni Tan sa gobyerno.
Kung hindi pa naging presidente ng bansa si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte hindi pa maisasampal ng gobyerno sa mukha ni El Kapitan ang utang ng kanyang kompanyang pinagkakamalan ng milyon-milyong kinikita.
Sabi nga ni Pangulong Digong, ang eroplano lang ni Lucio Tan ang solong gumagamit ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 2.
Pero nakita n’yo naman, mula noong panahon ni Fidel Ramos wala man lang nagawang malaking improvement sa airport.
Wattafak!
Ang alam natin, Intsik itong si Lucio Tan. Pero ang sistema ng kanyang pagnenegosyo ay parang Bombay.
Sabi nga, ‘yung binabayarang utang ngayon ni El Kapitan ay utang pa niya noong 10 taon na ang nakararaan.
Kumbaga, pinagkitaan na ‘yung inutang niya noon, pero hindi pa rin bayad hanggang ngayon.
Huwag din natin kalilimutan na ang kinatawan ng PAL sa Board of Airlines Representatives (BAR) ang tagapangulo ng nasabing lupon noong ‘mapagtagumpayan’ nilang kanselahin hanggang tuluyang tanggalin ang pagbabayad ng overtime pay sa mga empleyado ng Customs, Immigration at Quarantine na nagdu-duty nang lampas sa oras ng trabaho para pagserbisyohan ang kanilang mga pasahero.
At alam rin ba ninyo, hanggang ngayon, hindi pa nila tapos bayaran ang OT na dapat nilang bayaran noon sa mga empleyado ng Customs, Immigration at Quarantine?!
Kaya naman, marami ang pumalakpak nang banatan ni Pangulong Digong si El Kapitan.
Parang sabay-sabay na nagsabing, “Bleh buti nga!”
Aba, e kung hindi naman pala marunong magbayad ang PAL, bakit hindi ibigay sa Cebu Pacific ang airport na kanilang inookupa? Iba ang prinsipyo ng Cebu pacific sa negosyo. Ang pangunahing panuntunan sa buhay ng mga Gokongwei ay magnegosyo nang may puhunan at magserbisyo nang tama sa mga kliyente at consumers.
Abangan natin, mga suki, kung ano ang mangyayari sa PAL, pagkatapos ng 10 araw.
EX-THAI PM YINGLUCK
SHINAWATRA SENTENSIYADO
SA RICE SUBSIDY SCHEME
NAKAPUSLIT man sa Thailand patungong Dubai, itinuloy ng korte sa nasabing bansa ang pagbasa ng hatol kay dating Prime Minister Yingluck Shinawatra, at nasentensiyahang guilty sa pagpapabaya sa kanyang tungkulin nang pairalin ang isang rice subsidy scheme.
Sampung taong pagkakakulong ang hatol kay Shinawatra na nabigong humarap sa korte noong 25 Agosto 2017.
Ang rice-buying scheme ay nangyari noong 2011, na nangakong magbabayad sa mga magsasaka nang mas mataas kaysa umiiral sa merkado.
Malaking halaga ng kuwarta ang inireklamong nasayang para lamang mangrahuyo ng boto mula sa rural voters, maprehuwisyo ang exports at nag-iwan ng malaking pila ng bigas na hindi naibenta.
Nakabibilib ang Thailand sa pagpapairal ng batas. Mantakin ninyong hindi naman ibinulsa, napunta rin naman sa batayang masa ang pondo pero dahil labag ito ay nakulong ang dating Prime Minister.
Dito kaya sa ating bansa, kailan mangyayari ang ganyang pagpapairal ng batas?!
Ang daming gahaman, magnanakaw at tiwali ang hanggang ngayan ay nagpapasasa pero hindi pa rin napaparusahan ng batas.
Mayroon ngang mga naikulong na dahil sa plunder pero kapag nag-iba ng Pangulo ay nakalalaya rin.
Only in the Philippines!
BUWIS SA LOW-COST
HOUSING
MABIGAT NA PASANIN
MATINDING kahirapan ang daranasin ng mga ordinaryong mamamayan kung maipapatupad ang panukala ni Senator Juan Edgardo “Sonny” Angara na buwisan ang pagbili ng mga low-cost at socialized housing na nagkakahalaga ng P450,000.
Sa kabilang banda, nanganganib ang reelection bid ni Angara kung itutulak niya ang pagpasa ng panukalang i-lift ang 12% value-added tax exemption sa mga low-cost at socialized housing.
Malamang sa hindi ay matulad siya kay Senator Ralph Recto na natalo sa kanyang reelection bid noong 2007 dahil sa pagpasa ng VAT.
Ayon kay Senator Panfilo Lacson, hindi malayong mangyari na mag-ala Recto si Angara, chairman ng ways and means committee ng Senado.
Mainam na lamang at may isang matiyagang civil society organization na tumututol sa panukala ni Angara.
Nananawagan si Rodolfo “RJ” Avellana Jr., pangulo ng United Filipino Consumers and Commuters, na tutulan ang pagpapataw ng 12% VAT sa mga low-cost at socialized housing na nagkakahalaga ng P450,000.
Lalabas na lalong kaawa-awa ang overseas Filipino workers (OFWs) at iba pang ordinaryong Filipino kung maipapasa ang panukala sapagkat tanging murang pabahay ang kayang abutin ng kanilang budget.
Aani si Angara ng matinding galit mula sa mga tao kung sakaling maisabatas ang pagtanggal ng 12-percent VAT exemption sa mga murang pabahay.
Sa isang sulat na ipinadala ni Javellana kay Angara, umaapela ang UFCC na huwag nang tanggalan ng exemption sa VAT ang mga nasabing pabahay.
“We have been informed that your committee has already excluded senior citizens and the cooperatives from the tax imposition. There should then be more reason to spare housing being a more basic human need. We write to make an urgent appeal to you not to allow the removal of the VAT exemption to housing provided in Republic Act 7279 as proposed in Senate Bill 1408,” apela ni Javellana.
Sa ilalim ng RA 7279 o ang Urban Housing and Development Act of 1992, ang 12% VAT ay maaari lamang ipataw sa mga housing unit na bibilhin sa halagang P3.2 milyon o pataas pa ang halaga.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap