MALAKING tulong ang panukalang batas na “reversion to maiden name act” sa mga babaeng pinamanahan lang ng apelyido ng lalaking pinakasalan sila pero hindi naman talaga nila naging partner sa buhay.
O hindi nila nakatulong sa pagtataguyod ng kanilang pamilya.
Sa totoo lang, sa lipunang gaya sa Filipinas, ang isang babae na gumagamit ng apelyido ng tatay niya o ng kanyang maiden name ay nagiging biktima rin ng diskriminasyon at panlalait.
Mismong mga kabarong walang kamulatan, ang pasimuno ng tsismis kapag hindi ginagamit ng isang babae ang apelyido ng kanyang asawa.
Sasabihin, hindi siguro kasal, naanakan lang.
Bagama’t katawa-tawa na ang ganitong mga kaisipan ngayon, masasabi pa rin nating diskriminasyon ito sa mga babaeng may malayang kaisipan.
Kaya naman, malaking tulong ang inihaing panukalang batas ng dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na House Bill No. 6028 (Reversion to Maiden Name Act).
Sa ilalim ng nasabing panukala, maaari nang ibalik ng isang babae ang kanyang kinalakihang apelyido sa panahon ng legal separation, annulment o declaration of nullity ng kasal, nang hindi na kailangan ng court order.
Sa ngayon mayroong batas sa Filipinas na ang kasal na babae ay may karapatang mamili kung ano ang gagamitin niyang apelyido, ngunit kapag nagamit na ng babae ang apelyido ng asawa, hindi pumapayag ang batas na magbalik sa kanyang apelyido sa pagkadalaga nang walang utos ang korte.
Ayon sa dating Pangulo at ngayo’y mambabatas, “In order to truly realize the woman’s right to use her maiden name, the present measure deletes the tedious and expensive court process that might be associated therewith.”
Sabi nga, sinisimulan ang kalayaan ng isang tao sa kanyang identidad o pagkakakilanlan. Kung hindi kayang palayain ng isang babae ang kanyang sarili sa isang lumang kaisipan na nakahahadlang sa kanyang pag-unlad, paano niya ituturo sa kanyang anak ang pagiging independiyente?!
Pero noon pa man, naitanong na ito ng manunulat na si Lualhati Bautista sa kanyang nobelang Dekada 70 sa pamamagitan ng karakter na si Amanda Bartolome: “Bakit ba ang apelyido ng mga babae ay nanggagaling sa lalaki?”
Sana magkaroon ng batas na pagtuntong sa edad 18 anyos ng isang babae, makapamili siya ng mamanahin o gagamiting apelyido — apelyido ng nanay o apelyido ng tatay.
Ano sa tingin ninyo, mga suki?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com