Monday , December 23 2024

‘Nakarma’ si Bautista

IKINANTA ng sariling maybahay si Chairman Andres Bautista na nagkamal ng mahigit P1-B gamit ang puwesto sa Presidential Commission on Good Government (PCGG) at Commission on Elections (Comelec).

Hindi akalain ni Bautista, sa patong-patong na kaso pala hahantong ang personal na sigalot nilang mag-asawa matapos lumantad ang maybahay na si Patricia at isapubliko ang mga nakatagong ‘Lihim ng Guadalupe.’

Malabong magamit na depensa ni Bautista ang personal na away nilang mag-asawa sa mga dokumentadong ebidensiya laban sa kanya na kasalukuyang iniimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI).

Sa isang press conference, inilabas ni Gng. Patricia ang sandamakmak na local at foreign bank accounts ng asawa, pati ang mga ari-arian na pawang hindi kasamang nakadeklara sa isinumiteng Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ni Bautista.

Posibleng madamay sa eskandalo ang resulta sa vice presidential, senatorial, congressional at local na posisyon kapag nahalukay kung may naganap na deposit transactions sa mga nabistong bank accounts ni Bautista bago, habang at pagkatapos ng 2016 elections.

Duda ni Gng. Patricia, kumita ng komisyon si Bautista mula sa kompanya ng Smartmatic na ang mga opisyal ay dinayo pa niya sa Estados Unidos para kausapin.

Tiyak na malaking gulo kapag may mga bakas na nilapastangan nga ni Bautista ang sagradong boto ng mamamayan.

Imposibleng walang alam sa mga kahayupan ang buong Commission en banc sa mga kawalanghiyang naganap sa 2016 elections kaya’t kasama sila sa mga dapat sampahan ng impeachment case.

Marami rin sigurado sa mga hindi dapat nakapuwesto ang kinakabahan na kinukuwestiyon pa hanggang ngayon ang panalo sa nakaraang eleksiyon.

Halimbawa ang nilulutong kaso sa Comelec laban kay ousted president at convicted plunderer Joseph ‘Erap’ Estrada sa Maynila at ang tinarantadong desisyon sa protesta laban sa keridang si Guia Gomez sa San Juan.

Para sa iba, ‘nakarma’ si Bautista dahil sa sobrang garapal na katarantadohang nangyari sa nakaraang eleksiyon.

Sabi nga, “ang tadhana ay laging may lihim na paraan ng paghihiganti.”

PATAY KINASUHAN
NG OMBUDSMAN

NUKNUKAN na talaga ang Ombudsman pagdating sa kagagohan.

Makalipas ang 11-taon ay sinampahan ng tanggapan ni Ombudswoman Conchita Carpio-Morales ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Sandiganbayan ang isang dating gobernador at congressman ng Mountain Province.

Kinasuhan si Maximo Dalog dahil sa umano’y maanomalyang pagkakabili ng sasakyan na L-300 habang nakaupong gobernador noong 2006.

Ang problema, hindi na maipagtatanggol ni Dalog ang kanyang sarili dahil siya ay pumanaw na noong June 3.

Sa Article 89 ng Revised Penal Code ay nasasaad, “criminal liability is totally extinguished upon the death of the accuse…”

Kawawa naman si Dalog na walang kalaban-laban, sa halagang mahigit lamang P86,000 ay kinasuhan ng Ombudsman.

Kung hindi katangahan ay ano kaya ang tawag diyan ni Morales?

SANDIGANBAYAN
‘CASH DIVISION’?

PARANG piyesta naman ang Sandiganbayan sa pagbasura ng malalaking kaso ng pagnanakaw at pandarambong sa salapi ng taongbayan.

Pinakahuli sa inabsuwelto ng ‘Sandiganbayad’ si dating Muntinlupa mayor Aldrin San Pedro, gamit ang naimbentong ‘template’ na “inordinate delay” sa mga kasong administratibo at kriminal na isinampa noong 2011 at 2015.

Laging palusot ng Sandiganbayan ang inordinate delay sa Ombudsman.

Ganoon pala naman, e bakit tumagal nang ilang taon sa Sandiganbayan ang kaso bago sila naglabas ng desisyon?

Paano at nasaan ang mga pera na ninakaw at dinambong kung laging naibabasura ang mga kaso?

Sands of beaches!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *