AMININ natin sa hindi, marami talaga ang hindi naiintindihan kung ano ang ating wika — ang wikang Filipino.
Maging sa akademya, marami ang nahihirapang umunawa kung bakit kailangan gamitin sa iba’t ibang larang at disiplina ang wikang Filipino, na kung mangyayari ay isang malaking pagbabago dahil nangangahulugan ito nang lubos na pagkaunawa kung ano ang ating wika.
Alam ba ninyong nitong nakaraang Pandaigdigang Kongreso sa Araling Filipinas sa Wikang Filipino, ang iba’t ibang paksang may kinalaman sa wika, panitikan, kultura, kasaysayan, at lipunang Filipino ay tinalakay sa ating wika?
Maging si Bernardita Churchill ng University of the Philippines at ng Philippine Studies Association ay nagsabing, “Upang maipalaganap ang ating wika, lahat tayo, kabilang ang mga lider sa politika ay kailangan magsalita sa Filipino. Lagi silang nasa radyo at telebisyon kaya ang mga tao ay matututo sa kanila nang husto kung lagi nilang ginagamit sa pagsasalita ang wika na naiintindihan nating lahat.”
Idinagdag ni Churchill na ang Filipino gaya ng English, French at iba pang wika na iniaalok din bilang asignatura sa malalaking unibersidad sa buong mundo.
At katunayan sa apat na araw ng Kongreso nitong 2-4 Agosto, tinalakay ng mga dayuhang tagapagsalita ang kanilang lektura sa wikang Filipino.
Kabilang sa kanila sina Damon Woods ng University of California Los Angeles, Sotoshi Ara ng University of Fukushima, JC Gaillard ng University of Auckland, at Saac Donoso ng University of Alicante sa Spain.
Para kay National Artist for Literature Almario Virgilio, Tagapangulo ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ang Filipino ay isang mahusay na daluyan ng pagtuturo at hindi lamang salitang ginagamit sa kalye o sa palengke.
Para ganap nating maramdaman na ang ating wikang Pambansa ay wikang Filipino, hindi nilulubayan ni Almario ang estandarisasyon nito sa baybay at bigkas. Ilalahok rin ang mga katutubong wika gaya ng Waray, Tausug, Maranao, Ilocano, at Bicolano.
Malayo na ang narating ng ating wika — ang wikang Filipino — pero lubusan lang nating mararamdaman ito kapag dumating ang panahon na tayo’y nagkakaunawaan sa pagagamit ng ating wika tu-ngo sa pag-unlad.
Doon natin masasabi, sa pamamagitan ng ating wika, tuluyang nagbago ang ating bansa.