MAPALAD ang mga nasa likod ng P6.4-B shabu smuggling na nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at National Bureau of Investigation (NBI) noong buwan ng Mayo sa Valenzuela City.
Si Mark Danny Taguba, ang broker-importer na umaming lumakad at nagpalusot ng nasabat na shabu shipment, ay pagkakalooban ng “legislative immunity from prosecution” sa rekomendasyon ni Rep. Romero Quimbo ng Marikina.
Una nang pinalaya ng mga awtoridad si Richard Tan na may-ari ng warehouse sa Valenzuela na pinagdalahan ng nasabat na kontrabando.
Ang proteksiyon ay igagawad ng Kamara kay Taguba kapalit ng kanyang pagdiin bilang ‘testigo’ laban sa mga opisyal at tauhan ng Customs na kanya umanong sinuhulan.
Pinalalabas ni Quimbo at ng mga mandurugas, ‘este, mambabatas sa Kamara na kumukuyog at nananawagan sa pagbibitiw ni Commissioner Nicanor Faeldon sa Customs, mas mabigat na krimen ang panunuhol (bribery) kaysa smuggling ng ilegal na droga.
Napakasuwerte namang nilalang ni Taguba na bukod sa smuggling ay ilegal na droga pa ang kaso, magtatamasa pa siya ng proteksiyon na hindi mapanagot sa batas, habang ang tinaguriang “Ilocos Six” ay mahigit isang buwan ikinulong sa Kamara dahil lamang sa politika.
Tsk, tsk, tsk!
Ang pagkanlong ng mga mambabatas kay Taguba ang mismong nagpapatunay ng “Padrino System” sa Customs.
Karamihan sa mga nananawagang mapatalsik si Faeldon ay may vested interests na nakasawsaw bilang protektor ng mga pusakal na smuggler at padrino ng mga tiwali sa Customs.
‘Buti na lang, abogado at dating fiscal si beloved Pres. Rodrigo “Digong” Duterte kaya hindi basta mapaglalalangan ng mga gustong magpatalsik kay Faeldon na apektado ng kanyang “No Padrino System” sa Customs.
Lumabas ang tunay na kulay ng mga mambabatas sa Senado at Kamara na nakiki-Duterte lang, pero sila ang mismong sumasabotahe sa mahigpit na kampanya ng pamahalaan laban sa lahat ng uri ng kriminalidad, lalo na sa ilegal na droga.
Kaya ‘wag na tayong magtaka kung bakit hindi agad pumatol si Pang. Digong sa panawagan ng mga nakikinabang sa smuggling na sibakin si Faeldon sa puwesto.
Sana, ipag-utos ni Pang. Digong ang agarang pag-aresto at pagsasampa ng kaukulang kaso sa lahat ng may kinalaman sa pag-aangkat ng nasabat na P6.4-B shabu shipment.
Harinawa ay mabulok sila sa kulungan bago matulad kay Mayor Reynaldo Parojinog Sr., ng Ozamiz City.
TERMINAL NG KOLORUM
SA LAWTON, ILLEGAL
PERO HINDI BAWAL
SA utos daw ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada ay sinibak sa puwesto PSupt. Lucile Faycho bilang hepe ng Traffic Enforcement Unit (TEU) ng Manila Police District (MPD).
Ito ay matapos malambat sa ikinasang entrapment ng Philippine National Police Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) ang tokayo ni Erap na si PO2 Joseph Buan na nangongotong sa mga bus na pumaparada sa illegal terminal sa Plaza Lawton.
Natatawa na lang ang publiko sa sinapit ng mga pulis, habang tuloy naman ang negosyo ng illegal terminal na pinagkakakitaan ng ilang barangay, city hall at MPD officials na dapat sana ay unang buwagin ng PNP-CITF at ni Gen. Danilo Lim ng Metro Manila Development Authority (MMDA) alinsunod na rin sa utos ni Pang. Digong laban sa lahat ng obstruction na sanhi ng pagsikip ng trapiko.
Kasama rin dapat inaresto ng PNP-CITF pati ang naghahatag at nangongolekta ng ‘tong’ sa illegal terminal dahil ito ay maliwanag na kaso ng panunuhol at extortion.
Sa pagkakaalam natin, hanggang sa kanto ng Roxas Blvd. at Vito Cruz lamang ang ruta ng mga provincial at metro bus at kailangan silang umikot patungong Taft Ave., na biyaheng South.
Sa madaling sabi, arestado dapat ang mga bus driver na hindi lang dapat makarating, kung ‘di pumaparada pa sa illegal terminal sa Lawton.
Kayo na ang bahalang kumuwenta kung gaano kalaki ang napaghahati-hatian ng mga opisyal sa nakokolektang kuwarta mula sa mga kolorum at bus na pumaparada sa illegal terminal sa Lawton na sakop ng Bgy. 659-A na pinamumunuan ni Chairwoman Ligaya V. Santos.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid