TINANGGALAN ng poder sa pulisya ang ilang lokal na opisyal sa Mindanao na suspetsang tumutulong sa mga bandidong kriminal at mga terorista.
Tinukoy na dahilan sa Resolutions No. 2017-334 at No. 2017-335 ng National Police Commission (Napolcom) ang pagkakanlong at pagbibigay ng “material support” sa mga elementong kriminal, kasama ang teroristang grupo ng Maute na sumalakay sa Marawi City noong May 23.
Noon pa man ay marami sa mga lokal na opisyal ang pinagdududahan na kung ‘di man sumusuporta ay malalapit na kamag-anakan pa ng mga bandidong kriminal at ng mga terorista na malayang nakapaghahasik ng lagim sa Central at Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Nang ideklara ni Pres. Rodrigo R. Duterte ang Martial Law ay iminungkahi natin sa ating programa sa radyo ang agarang pagsuspinde sa mga local official sa Mindanao at isailalim sila sa imbestigasyon.
Tutal naman, bilang commander in-chief ay may kapangyarihan ang pangulo na makapagtalaga ng mga pansamantalang papalit sa mga babakantehing puwesto habang umiiral ang Batas Militar sa Mindanao.
Kaya nga nagtataka tayo kung bakit ngayon lang naisip ng pamahalaan na tanggalan ng poder sa pulisya ang mga lokal na opisyal na hinihinalang may kaugnayan sa masasamang elemento at mga bandidong grupo ng kriminal na terorista.
Pero inaalmahan ng mga apektadong lokal na opisyal ang nasabing kautusan ng Napolcom, na kung tutuusin nga ay huli nang naipatupad.
Kesyo hindi raw muna beneripika ng Napolcom ang kanilang performance record bago sila tinanggalan ng poder sa mga pulis.
Paano masasagot ng mga umaalmang local official na sakop ng kautusan ang simpleng tanong kung bakit imbes masawata ay lalong dumami at lumakas ang hanay ng mga bandidong kriminal at terorista sa kanilang mga teritoryo?
Para saan at itinatag pa ang ARMM kung wala naman pala itong silbi sa ikatatahimik ng bansa?
Hindi kaya mas lalong dumami ang mga bandidong kriminal at terorista sa Mindanao mula nang maitatag ang ARMM na napakalakas umubos ng pondo?
Nakalimutan yata ng mga humihirit na local officials na tahasang pagsalungat sa pamahalaan ang katumbas na kahulugan ng kanilang pagkontra sa anomang kautusan habang umiiral ang Martial Law. Maliban kung may itinatago sila, walang dapat ikatakot ang sinomang lokal na opisyal sa Mindanao na sakop ng kautusan sa ilalim ng inilabas na resolusyon ng Napolcom.
Mas mainam kung ipapatupad din ng pamahalaan ang pagsuspendi sa mga hinihinalang umaayuda sa masasamang elemento at terorista sa Mindanao.
SANTIAGO BAGONG
CHAIRMAN NG DDB
MAY bago nang hepe na napili si Pres. Digong na mamumuno sa tanggapan ng Dangerous Drugs Board (DDB).
Ngayong araw nakatakdang simulan ni dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Dionisio Santiago ang DBB bilang chairman.
Positibo ang reaksiyon ng publiko at ng ilan nating nakausap sa pagkakatalaga ni Pres. Digong kay Gen. Santiago na pumalit sa binakanteng puwesto ni dating DDB chair Benjamin Reyes.
Palibhasa, taglay ni Gen. Santiago ang mabuting track record bilang noo’y AFP chief of staff.
Matino rin ang pamamalakad niya noon sa New Bilibid Prison (NBP) at mga pambansang piitan bilang director ng Bureau of Corrections (BuCor).
Matatandaan na ilang taon din pinamunuan ni Gen. Santiago ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang kanyang nabuong listahan ng mga adik sa bansa ang basehan na pinagtiwalaan ni Pres. Digong.
Sa malimit na okasyon, ang kanyang listahan ang laging banggit sa mga talumpati ng pangulo tungkol sa bilang ng mga lulong sa ilegal na droga sa bansa.
Pero ang pinaka-importante, tulad ng idolo kong si Mayor Alfredo Lim, ni minsan ay hindi rin nasabit ang pangalan ni Gen. Santiago sa anomang uri ng katiwalian.
Kung maari nga lang sana, isama na rin sa ilalim ng DDB ang PDEA at ang pamumuno ng kampanya ni Pres. Digong kontra ilegal na droga.
Good luck at Mabuhay po kayo, Sir!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid