Friday , November 15 2024

Bakasyon-grande si fiscal Togonon

00 Kalampag percyNAGTALAGA na si Department of Justice (DOJ) Sec. Vitaliano Aguirre ng pansamantalang kapalit ni suspended chief Prosecutor Edward Togonon sa Maynila.

Si Atty. Alexander Ramos, director of the DOJ’s Witness Protection Program, muna ang pumalit sa binakanteng puwesto ni Togonon.

Sinibak si Togonon sa kaso ng 4 senior citizens na hinalang biktima ng modus na ‘tanim-droga’ ng mga tiwaling miyembro ng Manila Police District (MPD).

Ayon kay Aguirre, sinansala ni Togonon ang nasasaad sa Department Circular No. 4, na da-pat palayain ang sinomang akusado sa Comprehensive Dangerous Drugs Act habang ang kaso ay subject ng automatic review ng DOJ.

Noong November 21, 2016, inaresto ng mga tauhan ng MPD sa isang raid sa Good Life Hotel sa Sta, Cruz, Maynila ang mga senior citizen na sina Api Ang, Betty Chan, Luz Chan, at Henry Go Bernales.

Pero noong Abril, si Ang ay inatake at namatay habang nakakulong sa headquarters ng MPD.

Noong nakaraang Mayo, agad ipag-utos ni Aguirre ang pagpapalaya sa 3 pang kasamahan ni Ang, matapos mapag-alaman na una na palang naibasura ng Manila Prosecutor’s Office ang kaso laban sa kanila at subject ng automatic review.

Agad pinagpaliwanag ni Aguirre si Togonon kung bakit nanatili ng anim na buwan sa kulungan ang mga senior citizen.

Sa kuha ng CCTV na ipinalabas sa balita, kitang nagtagal nang mahigit tatlong oras sa loob ng hotel ang mga pulis at dinala sa isang bakanteng kuwarto ang isa sa mga biktima.

Ibinulgar ng abogado ng mga biktima ang mga iregularidad, pati na ang pagkawala ng P1.7 million cash sa isinagawang raid ng MPD sa mga kuha ng CCTV.

Hindi kombinsido sa mga palusot, este, paliwanag ni Togonon kaya’t sinibak muna siya ni SOJ Aguirre habang inihahanda ang iba pang kaso na posibleng isampa laban sa paboritong fixcal, este, fiscal ng detenidong suspected illegal drugs protector at dating Justice secretary na si Sen. Leila de Lima.

Si Togonon ay itinalaga ni PNoy na hepe ng Manila Prosecutor’s Office sa rekomendasyon nina De Lima at noo’y senate president na si Sen. Franklin Drilon.

Dating hepe si Togonon ng Muntinlupa Prosecutor’s Office sa tulong ng kilalang maimpluwensiya at multi-bilyonaryong Tsinoy businessman na nakabase sa Pasay.

Nalipat si Togonon sa Maynila bilang gantimpala sa kanya sa pagkakasampa ng nabasurang kaso ng electoral sabotage laban kay dating Pang. Gloria Macapagal Arroyo.

Dapat sigurong imbentaryohin ng DOJ at ni acting Chief Prosecutor Ramos ang mga pabago-bago at pagbali-baliktad sa resolusyon  habang si Togonon ang nakaupong chief prosecutor sa Maynila .

Kabilang sa puwedeng busisiin ang kaso ng MPD 15 na noo’y nakatalaga sa District Anti-Illegal Drugs (DAID) na nahulihan ng 5-kilong shabu sa kanilang locker na hanggang ngayon ay walang balita na nasampahan ng kaso matapos masibak sa MPD noong 2014.

Ayon sa ating source, ang pangalan ni Togonon ay nasa listahan ng mga kandidato para sa mababakanteng puwesto sa Court of Appeals (CA).

Marami ang nagtataka na mula nang maipuwesto si Togonon sa Maynila ay nagsimula raw ang engrande at bigtime na selebrasyon ng kanyang birthday party taon-taon sa isang 5-star hotel na pag-aari ng isang business tycoon na allergic si Pres. Rodrigo R. Duterte.

Tumawag ng pansin at nagpataas ng kilay sa ilang miron ang maluhong selebrasyon ng kanyang birthday na pawang malalaking opisyal at politiko sa nakaraang administrasyon ang mga bisista.

Isang alkalde pa raw sa Metro Manila ang nakikipag-agawan para magbayad ng nagastos sa isang okasyon.

Kaya naman hindi tayo magtataka kung may mga maimpluwensiyang opisyal, politiko at ne-gosyante ang  gagapang para impluwensiyahan at areglohin ang kaso ni Togonon.

Si Togonon ay kabilang sa mga kinasuhan sa Commission on Elections (Comelec) laban sa isang politiko kaugnay ng halalan noong 2016.

Harinawa, tuloy tuloy na ang bakasyon ni Togonon.

Ayos ba, convicted barangay chairman Ligaya Santos ng Lawton?

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *