NASABAT ng pinagsanib na puwersa ng mga operatiba mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at National Bureau of Investigation (NBI) ang malaking shipment ng shabu noong nakaraang linggo sa lungsod ng Valenzuela.
Base sa ulat, hindi bababa sa P6.4-B ang katumbas na halaga ng mahigit sa 100-kilo ng shabu na nabistong nakapalaman sa mga imported na piyesang gamit sa makina ng imprenta.
Ang shipment ay matagumpay na naipuslit sa Bureau of Customs (BOC) pero natimbog ng PDEA at NBI sa dalawang pribadong bodega sa Aster Street, Barangay Paso de Blas at F. Bautista Street sa Barangay Ugong sa nabanggit na lungsod.
Arestado ang importer cum smuggler na nagngangalang Fidel Anoche Dee, ang may-ari ng mga nasabing bodega na pinaniniwalaang matagal nang sangkot sa illegal drugs operation sa bansa at smuggling ng shabu sa Customs.
Dalawang tauhan ni Dee ang kasamang na-aresto sa naturang PDEA-NBI raid.
Pero ang pinakamalaking katanungan, sino ang mga kasabwat ni Dee at paano naipuslit ang bigtime shipment ng shabu na dumaan sa GREEN LANE ng Customs?
Ayon sa source, TJ MARCELLANA ang ginamit na kompanya ng broker, habang ang consignee ay nakapangalan sa ENT TRADING.
Ang dalawang kompanya ay dati na umanong gamit sa smuggling sa Customs.
Ayon pa sa source, hawak na raw ng NBI ang broker matapos silang ikanta ni Dee na may-ari ng bodega.
Ang hindi lang natin alam ay kung nadakip na ng mga awtoridad ang isang alyas “Rocky Thieves” na ayon sa ating mga impormante ay kasabwat ng mag-ama sa malaking katarantaduhan.
Si alyas Rocky Thieves ay nagmula sa dynasty o angkan ng mga antigong smuggler at kilalang broker na malakas ang impluwensiya sa Customs at ilang matataas na opisyal sa pamahalaan.
Teka nga pala, paano naiproseso ang shipment gayong sa pagkakaalam natin ay hindi kasama sa GREEN LANE ang mga TRADING COMPANY, lalo’t ang importasyon ay mula sa bansang China na kung tawagin ay HIGH RISK?
Maipaliwanag kaya ni Atty. Larry Hilario at ng Customs Risk Management Office (RMO) kung bakit at paano nabigyan ng clearance na mailabas ang shipment na nakapangalan sa mga kompanya ng broker at consignee?
Ang RMO ay dating nasa ilalim ng Intelligence Group (IG) pero nailipat na pala sa Command Center (ComCen) ng Office of the Commissioner.
Hind ba’t tanging RMO ang nagpapasiya ng mga dapat dumaan sa yellow lane, red lane and green lane sa buong bansa?
Sinasabing sa Section 15 ng Manila International Container Port (MICP) na pinamumunuan nina Sandra Yap at Randy Calusag dumaan ang ‘loose cargo.’
Pero ang hindi maliwanag ay kung naberipika ng examiner na si Dennis Maniego ang MISDECLARATION ng shipment na imbes mga piyesa para sa imprenta ay mga sapatos ang deklarasyon.
Susmaryosep!!!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid