SA kabila ng mga kaguluhang nangyayari ngayon sa ating bansa, itutuloy pa rin ang concert ni Arianna Grande sa Pilipinas sa Agosto. Nakakatakot iyan, lalo na nga’t kung iispin na sa concert din ni Arianna sa Manchester, England sumakay ang isang terorista na nagpasabog ng isang bomba at pumatay sa 22 katao.
Ewan nga ba kung bakit itutuloy pa iyan samantalang may nauna na ngang pasabi na baka kanselahin na ang kanyang buong world tour, kabilang na nga ang concert na gaganapin sa Pilipinas. Dito sa atin, hindi na rin biro-biro ang nangyayaring kaguluhan. Hindi pa natin masasabi kung kailan matatapos ang ating problema sa Marawi, lalo na nga’t sinasabi ng mga eksperto na dumarami ang kalaban dahil doon sa tinatawag na “pintakasi. Ibig sabihin, iyong hindi naman kasama sa Maute, nakikisama na sa laban sa pagtatanggol sa kapwa nila Muslim.
Kasunod niyan ang kaguluhan sa Resorts World, na sinasabi man ng PNP na isang kaso ng pagnanakaw at gawa ng isang may kuliling sa utak, hindi natin masasabing tama iyan dahil wala naman silang alam sa identity ng gunman, na sinasabi ng ISIS na tauhan nila, at binigyan pa nila ng pangalan.
Kahit na sinasabi ng pulisya na kaya naman magbigay ng seguridad sa isang concert na kagaya niyan, lalo na nga’t binanatan na ng mga terorista ang concert niya sa England.
Nakababahala, lalo na ang kumakalat pang video ng lider ng Abu Sayyaf na nananawagan sa lahat ng mga Muslim na manggulo, sumabotahe at pumatay ng tao, at iyan ay nasa social media na hindi naman ma-control ng gobyerno natin. Hindi magandang sitwasyon iyan.
Kung kami ang tatanungin, siguro hindi na dapat payagan ng gobyerno ang mga concert kagaya niyang kay Arianna na maaaring guluhin ng kung sino man para ilagay sa kahihiyan ang ating gobyerno at ang ating bayan.
AZENITH, ‘DI NAITAGO
ANG HINANAKIT
SA NANGYARING GULO
SA RWM
HINDI naitago ni Azenith Briones ang paghihimutok sa pagkamatay ng kanyang asawang si Eleuterio Reyes sa kaguluhang nangyari sa Resorts World. Nagpunta lang silang mag-asawa sa casino dahil may kailangan silang singilin. Habang si Azenith ay bumibili ng pagkain sa second floor, naiwan niya ang kanyang asawa na naghihintay naman sa sisingilin nila, nang maganap ang kaguluhan.
Tumakbo rin si Azenith at napapasok sa loob ng kitchen. Tapos kasama ng mga kitchen staff ay tumakas sila papalabas ng building. Nawalan ng contact si Azenith sa kanyang asawa, at noong bandang hapon na kinabukasan at saka niya nalaman na kasama pala iyon sa mga namatay dahil sa usok.
Sinasabi ni Azenith, kung naging maagap lang siguro ang security at rescue staff ng Resorts World, hindi mamamatay ang ganoon karaming tao, kabilang na ang kanyang asawa. Ang asawa ni Azenith ay nakaburol ngayon sa Rizal Funeral Homes sa Pasay. Dumalaw doon noong isang gabi si Presidente Digong at sinasabi naman ng Resorts World na bagamat naniniwala silang walang katumbas na halaga ang buhay ng isang tao, nag-aalok sila ng P1-M sa bawat isang namatay sa kaguluhan sa kanilang casino.
Marami na tayong naririnig na kuwento sa mga casino. Kung natatandaan ninyo, sa naging malakas na lindol noon sa Baguio, napakarami ring namatay sa loob ng casino. Marami na rin tayong kakilalang naghirap at nalustay ang kabuhayan dahil sa casino. May isang aktres na nawala ang kabuhayan dahil sa casino rin. Sana nga maawat na sila sa kasusugal lalo na sa nangyari ngayon.
HATAWAN – Ed de Leon