WALANG kasablay-sablay ang ating kolum na pinamagatang: “ILLEGAL ONLINE GAMBLING SOSOLOHIN NI ‘SCHEME’ WONG” na nalathala noong 30 Disyembre 2016.
Sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Commitee nitong nakaraang linggo, itinanong ni Sen. Richard ‘Dick’ Gordon kung may katotohanan na ang kontrobersiyal na negos-yanteng si Kim Wong ay napagkalooban ng 20 permit ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) para makapag-operate ng off-shore gaming sa bansa.
Kahit hindi diretsahang nasagot ang tanong ni Sen. Gordon ay inamin naman ni PAGCOR president Alfredo Lim (katokayo lang ni legendary Manila Mayor Alredo Lim) sa Senado na ang EASTERN HAWAII LEISURE CO. LTD. (EHLCL), isang kompanya na nakapa-ngalan sa anak ni Kim Wong, ang nabigyan ng lisensiya.
Sa madaling sabit, ‘este, sabi, si Kam Sin Wong a.k.a. Kim Wong pala ang lumalabas na approving at recommending authority sa pag-iisyu ng permit at lisensiya sa offshore gaming para makapag-operate ng online gambling business sa bansa na sinusunod ng PAGCOR at hindi ang board na pinamumunuan ni chairman Andrea ‘Didi’ Domingo.
Kaya naman pala sabi ng kasosyo ni Jack Lam na si Charlie ‘Atong’ Ang, hindi inaprobhan ng PAGCOR ang kanilang application kahit sila lang sa mga nag-apply ang may kompletong pasilidad na pasado sa hinihinging requirements sa online gambling operation.
Samakatuwid, kailangang dumaan kay Kim Wong ang sinomang aplikante at siya rin ang magpapasiya kung sino ang bibigyan ng PAGCOR ng permit at puwedeng makapag-operate ng offshore online gambling business sa bansa.
Malinaw na ngayon kung bakit binuwag ang grupo ni Jack Lam na karibal ni Kim Wong sa nasabing negosyo.
Ang nangyari kay Jack Lam ay walang ipinagkaiba sa kontrobersiyal na pagpapatapon noong 2015 kay Wang Bo pabalik sa China na isa pang karibal ni Kim Wong sa online gambling.
Ibig sabihin, pamunasan lang pala ng paa sina Domingo at Lim dahil si Kim Wong ang tunay na boss ng PAGCOR.
UNTOUCHABLE
SI KIM WONG
ANG nakapagtataka ay kung paano nakakuha ng lisensiya sa PAGCOR ang Eastern Hawaii Leisure Company Limited na nasangkot din sa $81-M money laundering na ninakaw sa Bangladesh Bank noong nakaraang taon.
Si Kim Wong ang president-general mana-ger ng Eastern Hawaii Leisure Company Limited na nag-o-operate sa Cagayan Economic Processing Zone Authority (CEZA).
Sa imbestigasyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na inilipat ng kompanyang PhilRem ang P1 billion sa Eastern Hawaii Leisure Company, Ltd na may account sa Philippine National Bank (PNB) Philippine National Bank account.
Si Wong ang principal suspect sa makasaysayang pagnanakaw, katunayan ay siya pa mismo ang nag-withdraw ng P900,475,000.00 mula February 10 hanggang February 26, 2016 na kanya namang inilipat sa kanyang personal PNB account on February 10, at muling nag-withdraw ng P400 million noong February 11.
Itinuring pang bayani si Kim Wong ng ilang senador matapos magsauli ng P200-M sa AMLC ng ninakaw na pera ng Bangladesh Bank.
Unang naimbestigahan ng Senado si Kim Wong noong August 23, 2001 matapos ikanta ng ilang testigo sa pagpapakalat ng illegal drugs sa bansa.
Isang congressman na bumoto pabor sa pagtatanggal ng kasong plunder sa binabalangkas na death penalty bill sa Kamara ang sinasabing kapit ngayon ni Kim Wong sa kasalukuyang administrasyon.
Sakaling hindi alam ni beloved President Rodrigo R. Duterte, naging special guest si Kim Wong sa birthday party ng isang mataas na opisyal ng kanyang administrasyon.
Pagkatapos ay dumalo bilang guest of honor ang naturang opisyal sa kasal ng anak ni Kim Wong na ginanap sa isang Chinese restaurant ng isang malaking hotel sa Malate, Maynila, kamakailan.
BIRTHDAY NI JINGGOY
SA CAMP CRAME
DINAGSA NG BISITA
MASAYANG naipagdiwang ni dating senador Jinggoy Estrada ang kanyang kaarawan noong nakaraang linggo, ayon sa ilang pulis na ating nakausap.
Engrande raw kasi ang handaan na gina-nap sa loob ng PNP Custodial Center sa Camp Crame na dinaluhan ng mga public official at kilalang celebrities.
Ang hindi lang nabanggit sa atin ay kung nakadalo sa masayang selebrasyon si Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa. Parang ‘Last Supper’ daw ang peg at aakalaing bibitayin na si Jinggoy kinabukasan dahil sa dami ng masasarap na pagkaing inihanda at bumaha rin pati mga mamahaling alak.
Noong nakaraang taon, bonggang piging din ang pasiklab ni dating senator Bong Revilla sa kanyang mga na-ging bisita na inihanda ng isang kilala at mamahaling restaurant sa Tomas Morato, sabi ni “Mang Mario.”
Sintomas na ba ito sa nalalapit na paglaya ng mga damuhong nakasuhan ng plunder?
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid