Friday , November 15 2024

Kamara self-serving sa death penalty law

00 Kalampag percyPAGSASAYANG na lang ng panahon at pera ng taongbayan ang pagpapasa ng batas na maibalik ang parusang bitay o death penalty sa bansa.

Hindi pa man nailalarga ni beloved Pres. Rodrigo R. Duterte ang mabagsik na kampanya kontra-katiwalian sa pamahalaan ay pinagtatangkaan nang tanggalan ng ngipin ang kanyang panukalang pagbabalik sa death penalty law.

Nagsabwatan, ‘este, nagkasundo raw ang mga mambabatas sa mayorya ng House of Representathieves, ‘este, Representatives na huwag isama ang kasong plunder o pandarambong sa binabalangkas nilang batas sa death penalty.

Hindi ba’t ang pangunahing dahilan sa pagsusulong na maibalik ang death penalty ay sa paniwalang ito ang solusyon upang masugpo ang malalang krimen?

Puwes, ‘yan din ang dahilan kung bakit nilikha ang plunder law na inaprobahan noong July 12, 1991 sa termino ni dating Pang. Cory Aquino para maudlot ang labis na pagsasamantala at talamak na pagnanakaw ng mga nasa pamahalaan.

Matapos amiyendahan ay tinanggal ang parusang bitay noong 2006 sa panahon ni dating Pang. Gloria Macapagal Arroyo.

Si ousted president at convicted plunderer Joseph ‘Erap’ Estrada ang kauna-unahan at bukod-tanging nahatulan sa kasong plunder noong September 2007 at napatawan ng parusang habambuhay na pagkabilanggo.

Kung tutuusin, sa sobrang laki ng salapi na kanyang kinulimbat ay bitay dapat ang naging hatol ng hukuman kay Erap imbes reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo.

Nang makasuhan kasi si Erap sa pandarambong ay hindi pa umiiral ang death penalty law at sakop pa ng bitay ang ginawa niyang krimen at pagtampalasan sa bayan.

Ang paglikha ng batas ay hindi retroactive kaya’t walang bisa sa nakaraan ang pag-iral ng ano mang bagong batas

Gaya nga nang malimit sabihin ni Mayor Alfredo Lim:

“The law must be applied to all, otherwise none at all. Sa batas, ang lahat ay pantay-pantay; walang mahirap, walang mayaman; walang malakas, walang mahina.”

Para saan pa ang plunder law na ginastosan ng salapi ng bayan at pinaghirapang maipasa ng Kongreso noong 1991 kung papatak din pala ang parusa sa mas mababang kaso ng pagnanakaw sa pamahalaan tulad ng malversation at karaniwang paglabag sa anti-graft and corrupt practices act?

Walang ibang tawag kung ‘di self-serving na maliwanag ang bersiyon na kursunadang isulong ng mga mambabatas sa Kamara sa panukala na muling pagbabalik sa death penalty.

Lumilikha lamang ang Kamara ng batas na magsisilbi sa pansarili nilang interes at ng mga mandarambong sa pamahalaan.

Ang paglikha ng ano mang batas ay para sa ikabubuti nang lahat at walang ipinupuwera o itinatangi.

Mandarambong siguro ang mga hindoropot na nais matanggal ang plunder sa niluluto nilang bersiyon na death penalty, hindi pa lamang sila nabubuko at nakakasuhan.

Ang matagal nang pinakahihintay ng taongbayan ay kung kailan talaga may mabibitay na mandarambong para matigil ang talamak na katiwalian sa ating pamahalaan.

Mas mabuti pa, huwag na lang magpasa ng death penalty kung hindi rin lang masasakop ng bitay ang kasong plunder.

Atupagin na lang ng pamahalaan ang mahigpit na implementasyon sa mga umiiral na batas at siguruhing maipatutupad ang karampatang parusa kahit sa mayayaman at maiimpluwensiya sa pamahalaan.

Tutal, sa pagpapatupad lang naman talaga tayo may malaking problema, hindi sa mga batas.

ART SABONGERO
NAKABALIK SA BOC

NAKABALIK na raw matapos masibak sa puwesto ang isang section chief ng Bureau of Customs (BOC).

Ang naturang opisyal na magbabakal ay nasibak ilang taon na ang nakararaan matapos kondenahin ng manufacturers sa steel industry.

Nalugi ang steel manufacturers dahil dumagsa ang mga palusot na mura pero sub-standard imported steel products na hindi ibinabayad nang tamang buwis sa pamahalaan.

Ang naturang opisyal ay kilalang malakas magtapon ng salapi sa pagsusugal kaya’t pati ang kanyang property sa Tagaytay ay naremata ng gambling lord na kanyang nakapustahan sa sabong.

Tiyak na makababawi na ang damuho sa kanyang mga naimpok pero naipatalo rin sa sugal na sabong at casino.

Paano magtatagumpay ang kampanya ni Pres. Digong laban sa katiwalian kung may mga naibabalik at naitatalagang magnanakaw sa gobyerno?

Sino kaya ang pader na padrino ni Mr. Art “Casino Boy” Sabongero at nakabalik siya sa BOC?

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *