PINATIKIM ng malutong na mura ni Pang. Rodrigo R. Duterte si dating senador Francisco “Kit” Tatad na ngayo’y sumusulat ng kanyang kolum sa isang pahayagan.
Balita natin, si Tatad ay walang ginawa kundi magsulat ng pawang negatibo laban kay Pang. Duterte mula nang matalo ang kanyang manok na si dating vice president Jejomar Binay.
Wala naman sanang masama sa pagbatikos pero mukhang “rumor mongering” na ang isinusulat ni Tatad sa kanyang kolum para siraan si Pang. Duterte.
Kabilang ako sa mga hindi nagbabasa ng kolum ni Tatad pero maliwanag naman na tungkol sa kalusugan ni Digong na kanyang isinulat sa kanyang kolum ang dahilan kung bakit siya minura ng pangulo.
Saan kaya humugot ng basehan si Tatad na kuwestiyonin ang estado ng kalusugan ni Pang. Duterte?
Basurang kolumnista na matatawag si Tatad kung wala naman siyang hawak na hard copy ng medical bulletin bilang basehan sa inilako niyang kuwento tungkol sa kalusugan ni Pres. Digong.
Nakalimutan yata ni Tatad na naging information secretary siya ng yumaong Pang. Ferdinand E. Marcos kung kaya’t imposibleng hindi niya alam na ang rumor mongering ay isang mabigat na kasalanan sa batas.
Ayon sa Presidential Decree No. 90 ni Marcos:
“…any person who shall offer, publish, distribute, circulate and spread rumors, false news and information and gossip, or cause the publication, distribution, circulation or spreading of the same, which cause or tend to cause panic, divisive effects among the people, discredit of or distrust for the duly constituted authorities, undermine the stability of the Government and the objectives of the New Society, endanger the public order, or cause damage to the interest or credit of the State shall, upon conviction, be punished by prision correcional. In case the offender is a government official or employee, the accessory penalty of absolute perpetual disqualification from holding any public office shall be imposed.”
TELESERYE SA CITY HALL
GRABE pala ang eksena tuwing nagpapang-abot sa tanggapan ng isang opisyal sa Manila City Hall ang kanyang Misis at ang paborito niyang kerida na si Mistress No. 3.
Parang teleserye na kinasasabikan ng mga empleyado sa Manila City Hall ang biglaang pagdating ng misis sa tanggapan ng opisyal dahil daig pa raw nila ang nakapanood ng mga nangungunag tele-nobela.
Pabiro pa raw ipinagyabang ng isang madaldal na buraot na malaki ang natitipid ng City Hall sa budget ng janitorial services kapag dinaratnan ni Misis ang Mistress No. 3 ng kanyang mister na opisyal.
Hindi mo raw sasabihing senior citizen si Misis dahil kayang-kaya raw nitong ipagwagwagan at ilampaso habang mahigpit ang pagkakahawak sa buhok ni Mistress No. 3 na nagpapakintab naman sa sahig ng City Hall.
May pagka-lastiko raw na tulad ni Lastikman ang braso ni Misis sa haba na kahit ilang dipa ang layo ay nahahablot nito sa ulo ang kerida ng City Hall official.
Ayon kay “Bambino Santisima,” ang buraot na madaldal pa sa Loro, ilang beses nang naganap ang katulad na eksena sa pagitan ni Misis at ni Mistress No. 3 na nasaksihan ng mga empleyado sa mismong opisina ng opisyal na sa ‘di kalayuan ay matatagpuan ang opisina ng kanyang among si “Mang Diego Casino.”
Malimit daw maganap ang mala-teleseryeng eskandalo kapag ang City Hall official ay wala sa kanyang opisina at sorpresang dinaratnan ni Misis si Mistress No. 3.
Ayon sa madaldal na Lorong si Bambino, hindi nila matiyak kung kailan nila muling mapapanood ang makapigil-hiningang telenobela nina Misis at Mistress No. 3. sa City Hall.
Ipinagtaka raw kasi nila na walang naganap na sabunutan nang minsang sumulpot si Misis sa opisina ng kanyang Mister at hindi nadatnan ang kerida.
Natunugan pala ni Mistress No. 3 ang pagdating ng Misis ni City Hall official at dali-daling naghubad ng kanyang suot na sapatos at mabilis na nakatakas palayo.
Ipinagyabang pa ng Loro ni Diego na natuklasan niyang nagpakalat ng mga lihim na ‘spotter’ o tanod si Mistress No. 3 sa mga lagusan papasok at palabas ng opisina ng opisyal na hindi hagip sa CCTV cameras ng City Hall para maitimbre ang pagdating ni Misis.
Sino nga ba namang misis ang hindi magwawala kung madatnan sa opisina ng kanyang mister ang kerida na akala mo kung sinong mataas na opisyal ng City Hall kung umasta?
Pero may nakapagsabing hindi na raw bago ang katulad na eksena kahit sa pampublikong lugar magkasalubong ng landas sina Misis at Mistress No. 3 ay nasanay nang maeskandalo.
Sana naman ay hindi putulan ng dila ang madaldal na Lorong si Bambino kapag natuklasan ng opisyal ang pagkalat ng City Hall scandal.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid