KOMBINSIDO si beloved Pres. Rodrigo R. Duterte na sinasamantala ng mga scalawag sa hanay ng pulisya para isabotahe ang inilunsad na giyera ng pamahalaan laban sa talamak na problema ng illegal na droga sa bansa.
Inatasan ni Pres. Digong si Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa na maglunsad ng giyera laban sa mga kung ‘di man kasabwat ay sila pang nasa hanay ng pulisya ang mismong promotor ng krimen laban sa mamamayan.
Maliwanag ang direktiba ni PRRD kay Gen. Bato: Purgahin ang PNP mula sa mga unipormadong kriminal.
Patunay ito na sinsero ang pangulo na maisakatuparan ang taimtim na panatang sagipin ang bansa at mamamayan laban sa illegal na droga kung kaya’t walang dahilan para pagdudahan ang kanyang katapatan.
Ang hindi pagtanggap ni Pang. Digong sa pagbibitiw ni Gen. ‘Bato’ ay matatawag na “Solomonic wisdom,” hindi nga naman kailangang sunugin ang buong bahay para lamang puksain ang salot na daga.
Tanging ang pagpurga sa mga unipormadong kriminal sa hanay ng PNP ang tanging solusyon upang maging epektibo ang anomang mabubuting layunin na nais ipatupad ng pamahalaan.
Ang unang dapat gawin ni Gen. Bato ay ipaimbentaryo kung sino sa hanay ng mga pulis ang dating nakasuhan at kasalukuyang dawit sa kaso ng kidnapping, carnapping, illegal drugs, rape, illegal gambling, at lalo na ang mga nagtatanim ng ebidensiya sa kanilang mga inosenteng biktima.
Sabi nga, kung gusto nating mawala ang lamok ay unahin nating linisin ang kanal na siyang pinaggagalingan ng lamok.
MAYNILA SENTRO
NG ILLEGAL DRUGS
NATIMBREHAN tiyak ng mga kasabwat na ‘Ninja Cops’ ang nasa likod ng P100-M halaga ng shabu na nasabat ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Linggo (Jan. 29) ng hapon.
May natanggap daw na tip ang NBI tungkol sa delivery ng illegal na droga noong Linggo ng umaga at nasundan ang target na sasakyan sa Jones Bridge pero malamang na nakatunog kaya’t nalusutan sila.
Ayon kay NBI National Capital Region director Ric Diaz, bandang hapon nila natagpuan ang kontrabando sa loob ng nakaparadang sasakyan sa harapan ng isang kilalang restaurant sa kalye Escolta.
Hindi ba sumagi ni minsan sa isip ni Gen. Bato kung bakit sa tuwing may big time illegal drugs operation ay ibang law-enforcement agency ang laging nakakadale sa area of responsibility (AOR) ng MPD?
Kung hindi NBI ay PDEA ang laging nakalalambat sa malalaking operations ng illegal na droga sa Maynila, ilan dito ang shabu lab sa isang condo sa Sta. Cruz na nagdawit kay Col. Ferdinand Marcelino at kasamang Chinese interpreter; at sa isang flower shop sa Binondo.
Matatandaan na NBI ang nakahuli at nanguna sa tatlong magkakasunod na raid kamakailan at napasok nila ang shabu lab sa lungsod ng San Juan.
Pero ang ipinagtataka natin ay kung bakit walang nasisibak na opisyal ng pulis sa AOR ng Maynila at San Juan.
Ilang strike policy kaya bago masibak ang opisyal o hepe ng PNP sa kanilang AOR?
Noong 2015, ang lungsod ng Maynila ay binansagang sentro ng illegal drugs ng PNP Camp Crime, este Camp Crame.
Hanggang ngayon ay hindi pa yata nasasampahan ng kaso ng Manila Prosecutors Office sa hukuman ang 15 pulis na dating nakatalaga sa District Anti-Illegal Drugs ng MPD na nahulihan ng 5-kilo ng shabu sa kanilang locker sa isinagawang raid ng MPD-SWAT noong 2014.
Kung tutuusin, hindi lamang ang hanay ng pulisya kung ‘di pati ang narco mayors ay dapat nang isabay sa paglilinis sa PNP.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid