ITINANGGI ni Local Government Secretary Ismael Sueno na tumatanggap siya ng payola mula sa ilegal na jueteng.
Pero sinabi ni Sueno na may nauulinigan siyang kumukubra ng payola ngunit kasalukuyan pa niyang inaalam kung sino ang tumatanggap para sa kanya.
Lumalabas na matagal nang hindi alam ni Sueno na binabambo siya sa ulo ng isa o ilan sa mga nakapaligid sa kanya sa DILG.
Aba, hindi kaya alam ni Sueno na bukod sa jueteng at illegal gambling ay balitang may nangongolekta rin ng tongpats mula sa iba’t ibang establisimiyento, tulad ng KTV bars at mga ‘Spa-kol?’
Hayaan n’yo Sec. Sueno, Sir, ‘pag may nakapag-bulong sa amin kung sino ang damuhong nambubukol sa ‘yo ay agad naming ipararating sa inyo sa pamamagitan ng pitak na ito at isisigaw namin nang malakas na malakas sa aming programang “Lapid Fire” na napapakinggan sa Radio DZRJ-810 Khz, 10:30 pm to 12:00 am, Lunes hanggang Biyernes at sabayang napapanood sa buong mundo via live streaming ng 8trimedia.com sa You Tube at Facebook.
Kung naging peryodista pala ang kupal na ‘yan ay magiging mahusay siyang editor…. sa pag-edit ng pera.
APELA KAY PDU30
Nagpadala ng kanyang mensahe si Benson Bon sa ating Facebook page na “Isumbong Mo Kay Duterte” upang maiparating ang kanyang panawagan kay Pres. Rodrigo R. Duterte tungkol sa hindi pa nalulutas na pagpatay sa kanyang kapatid at pamangkin.
Ang kapatid na babae ni Bon at anak nitong babae na musmos ay pinatay sa loob ng sarili nilang pamamamahay sa Sta Rosa, Laguna noong nakaraang taon.
Ilang araw din natin nasundan sa mga balita sa telebisyon at malalaking pahayagan ang tungkol sa walang-awang pagpatay kay Pearl Helene Sta. Ana at anak niya pero hanggang ngayon ay hindi pa nalulutas.
Narito ang mensahe na nais ipaabot ng kapatid ng biktima kay PRRD:
“Magandang araw po! ‘Di ko po alam paano po lalapit sa pangulo sa dami ng trabaho n’ya. Humihingi lang po kami ng hustisya sa pagkamatay ng aming kapatid at pamangkin na karumaldumal na minartilyo sa Sta. Rosa, Laguna. Kami po ay lubos na magpapasalamat kung mabibigyan n’yo po ng kaunting intensiyong tumulong. Kalakip po ang picture at mga nangyari. Pagkatapos po ilabas sa media at dami taong tumulong, wala pa rin nangyari kaya gusto ko po sana ilapit sa pangulo. Salamat po!”
REAKSIYON
DELOS SANTOS – “Iyong mga dati pa, noong una, na binabanggit na Ninja Cops, bakit ‘di pa rin napaparusahan o naalis? Mabagal, tapos ang mga riding in tandem wala pa ring nahuhuli kahit isa man lang. Ano ang nangyayari sa mga pulis, parang ‘di nila talaga kayang hulihin kasi kabaro din nila yata ang mga ito.”
***
NOCEDA (San Diego, USA) – “Gusto ko lang po sabihin sa mga tao ni PDU30, lalo na kay Gen. Bato, ang loyalty ay hindi nag-uumpisa at natatapos sa pagsunod lang sa utos ni PDU30. Sakop din ng loyalty ang pangalagaan ang pagkatao at pagtingin ng mga tao sa pangulo. Kung ikaw mismo na pinagkatiwalaan ng pangulo ang nagdadala ng kahihiyan, nararapat na magbitiw at magrekomenda ng ibang tao na makapagsisilibi nang mas maayos. Ang lahat ay may kapalit na maaaring mas magaling pa. Si PDU30 ang nagpakita na mas loyal siya sa mga tauhan niya. Sa ibang bansa kapag nagkamali ang isang opisyal ng gobyerno, nagpapakamatay. Sa atin nagpapakamatay para hindi matanggal sa puwesto.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid