NAGWAKAS na rin ang mahabang suwerte ng ‘negosyanteng’ si Jaime Dichaves para sumalang sa paglilitis bilang co-accused ng among si Joseph “Erap” Estrada na una nang nahatulang guilty ng Sandiganbayan sa kasong plunder o pandarambong.
Sa 24-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Marvic Leonen, ipinag-utos ng Supreme Court (SC) sa Sandiganbayan na ituloy ang paglilitis kay Dichaves.
Ipinawalang-bisa na rin ng SC ang naunang temporary restraining order (TRO) na pumigil sa paglilitis ng Sandiganbayan na tumagal nang halos 15-taon.
Matatandaan na noong 2000, si Dichaves ay tumakas palabas ng bansa para magtago kasunod ng ipinalabas na warrant of arrest laban sa kanya bilang co-accused ni Erap sa kasong plunder.
Bumalik si Dichaves sa bansa matapos makakuha ng TRO sa SC ang kanyang mga abogado upang hindi makalaboso dahil ang plunder ay isang mabigat na kaso at walang piyansa.
Sa madaling sabi, naudlot ang paglilitis ng Sandiganbayan kay Dichaves sa bisa ng TRO na naunang ipinalabas ng SC.
Si Dichaves ang nasa likod na nagmaniobra ng transaksiyon sa pagbili ng stocks sa Belle Corporation na kinuha ang pondo sa Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS).
Umaabot sa P1.8-billion na pinagsamang pondo ng SSS at GSIS ang ipinasandok ni Erap na ginamit para ipuhunan sa681,733,000 shares of stocks sa Belle Corporation, isang kompanya na pag-aari ng crony niyang si Dante Tan.
Halagang P189-M ang naging kickbak ni Erap o katumbas na 10 porsiyento na kinulimbat mula sa pondo ng SSS at GSIS na ibinili ng shares sa Belle Corp.
Si Dichaves ang tumanggap ng kickback para kay Erap sa pamamagitan ng isang tseke ng International Exchange Bank (Check No. 6000159271), na may petsang November 5, 1999.
Ang tseke ay idineposito ni Dichaves sa kanyang bank account pagkatapos ay nag-isyu ng sarili niyang tseke na may kaparehong halaga at saka inilipat sa “Jose Velarde” account ni Erap sa Equitable bank.
Sabi sa desisyon ng SC na may petsang Dec. 7:
“The Ombudsman ‘correctly’ charged Dichaves with plunder in conspiracy with Estrada as it was Dichaves “who orchestrated the consummation of transactions and received from (Belle Corp. vice chair and director Willy) Ocier the check representing the commission; and that Dichaves deposited the check to the ‘Jose Velarde’ account which was shown to be that of the former President.”
Si Dichaves din ang sinasabing nasa likod ng malalaking kontrata at mga kuwestiyonableng transaksiyon na pinapasok ni Erap sa Manila City Hall.
Si Dichaves ay ama ni James Albert Dichaves, public recreations bureau (PRB) director sa Manila City Hall at nagpapatakbo ng Manila Zoo na balitang ibinenta ni Erap sa mga dayuhang negosyante para pagtayuan ng malalaking gusali.
Ang hindi pa natin alam ay kung may warrant of arrest na laban kay Dichaves na dapat ay nakakulong habang nililitis ng Sandiganbayan.
Dapat, mabilis din ang pagpapalabas ng kautusan upang agad mailagay si Dichaves sa hold departure order (HDO) ng Bureau of Immigration (BI).
‘Yan naman ay kung hindi pa natutulungang makatakas ng kanilang mga kasabwat ang damuhong si Dichaves palabas ng bansa gaya sa nangyari noong una.
OAS, ALBAY
WALA PA RIN
KORYENTE
EDNA TAMAYAMA (Tokyo, Japan): “Good morning po, Sir! Humihingi po ako ng tulong sa inyong programa na kung pwde po sa taga-OAS, ALBAY na public servant. Hanggang ngayon wala pa pong koryente sa lugar namin sa Balogo, Oas, Albay, mula pa nu’ng Bagyong Nina. Salamat po, sana makarating sa mga kinauukulan diyan sa Oas, Albay.”
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid