EH ano ba kung hindi man magaling magsalita ng wikang Ingles si Miss Philippines Universe Maxine Medina. Tandaan ninyo, siya ay Miss Philippines Universe, hindi naman Miss USA, kaya eh ano ba kung hindi siya masyadong magaling magsalita ng Ingles? Ang masama ay kung pulpol siyang magsalita ng Filipino.
Hindi batayan iyang kahusayan sa pagsasalita ng Ingles diyan sa Miss Universe o kahit na saan mang beauty pageant. Kung mapapansin ninyo, napakarami nga sa mga iyan hindi marunong magsalita ng Ingles, lalo na iyong mula sa mga bansa sa South America at sa Europa, kaya nga kailangan nila ng interpreters. Maski sa Asya, marami na tayong nakitang beauty queens na hindi marunong magsalita at hindi nakauunawa ng Ingles. Bakit ba kailangan nating gawing sukatan iyang pagsasalita ng Ingles?
At kailan pa nga ba nangyari na ang pagsasalita ng Ingles ay naging guage of literacy?
Kung minsan talagang nakadedesmaya na tayo pa mismong mga Filipino ang sumisira sa ating kababayan. Dapat nga, dahil tayo ay mga Filipino at iyang Miss Universe ay ginaganap sa ating bayan, ipakita naman natin ang ating suporta sa ating kababayan. Hindi imposibleng manalo si Maxine. Ilang Filipino na ba ang naging Miss Universe? At hindi lang Miss Universe, napanalunan na ng mga Pinoy ang lahat ng iba pang international titles na ang ibig sabihin ay may magaganda talaga tayong mga babae at ang mga organizer naman natin ay may kakayahang mai-develop ang kanilang winners para manalo sa isang international beauty pageant.
Kung kami ang tatanungin ngayon, mas gugustuhin pa naming mapanood si Maxine na marinig na nagsasalita ng wikang Filipino at nagpapatulong na lang sa isang interpreter. Mas makapagpapakita pa iyon ng ating pagiging makabayan.
HATAWAN – Ed de Leon