Friday , November 15 2024

Bawiin ang kinulimbat ni Erap sa SSS at GSIS

00 Kalampag percySAMPUNG taon na ang nakararaan, hindi pa naipatutupad ng pamahalaan ang hatol ng Sandiganbayan na pagbawi sa mga salaping ninakaw ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada, kabilang ang pinagsamang P1.8-B pondo ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS).

Pagkatapos ng anim na taong paglilitis sa kanya, si Erap ay matatandaan na nahatulang guilty ng Sandiganbayan at nasentensiyahan nang habambuhay na pagkabilanggo noong 12 September 2007 sa kasong plunder o pandarambong sa kuwarta ng taongbayan.

Malinaw ang hatol, ipinasasauli ng Sandiganbayan kay Erap ang kanyang mga nakulimbat na P545-million sa jueteng;  P130-milliontobacco excise tax share ng Ilocos Sur; P189.7-million kickback sa GSIS at SSS stocks sa Belle Corp., at ang P3.23-billion deposito sa “Jose Velarde” account sa Equitable-PCI Bank, Binondo branch sa Maynila.

Sina Carlos Arrellano, pangulo noon ng SSS at si Federico Pascual, dating pangulo ng GSIS, ay kapwa tumestigo sa paglilitis ng Sandiganbayan laban kay Erap.

Umaabot sa halagang P1.8-billion na pinagsamang pondo ng SSS at GSIS ang ipinasandok ni Erap kina Arellano at Pascual na ipinambili ng 681,733,000 shares of stocks sa Belle Corporation, isang kompanya na pag-aari ng crony niyang si Dante Tan.

Sa utos ni Erap sa kanila, ginamit ni Arellano ang P900-M pondo ng SSS habang P1.1-B pondo ng GSIS ang ipinuhunan ni Pascual sa pagbili ng stock sa  Belle Corp.

Si Jaime Dichaves, isa pang crony ni Erap at sinasabing tirador ng malalaking kontrata ngayon sa Manila City Hall, ang nagmaniobra sa transaksiyon ng SSS at GSIS sa Belle Corp.

Halagang P189-M ang naging kickbak ni Erap o katumbas ng 10 porsiyento sa halos P2-B stocks na ipinuhunan ng SSS at GSIS sa Belle Corp. na si Dichaves ang tumanggap sa pamamagitan ng isang tseke ng International Exchange Bank (Check No. 6000159271), na may petsang November 5, 1999.

Ang nasabing tseke ay idineposito ni Dicahves sa kanyang bank account pagkatapos ay nag-isyu siya ng sarili niyang tseke na may kaparehong halaga at inilipat naman niya sa “Jose Velarde” account sa Equitable bank.

Pero bakit hanggang ngayon ay hindi naipatutupad ng pamahalaan ang kautusan at desisyon ng Sandiganbayan sa pagbawi ng pera at interes na sinandok ni Erap para makadagdag sa umento ng mga pensiyonado ng SSS?

Magkano, este, ano ang ginagawa ng Office of the Solicitor General (OSG) na siyang nasa poder para ipatupad ang ipinababawing pera kay Erap ng Sandiganbayan at pagkompiska sa kanyang mga ari-arian?

Ang hatol ng Sandiganbayan ay pinal at hindi na mababago pa kahit ng Korte Suprema at kasaysayan kung kaya’t sa ayaw at sa gusto ni Erap ay obligado siyang sundin ang hatol.

Malaking tulong ang pagbawi sa perang dinambong ni Erap para mapagaan ang buhay ng mga pensiyonado at miyembro ng SSS.

Kung hindi sinusunod ni Erap ang kautusan sa hatol ng Sandiganbayan hanggang ngayon, ibig sabihin ay nilalabag niya ang kanyang pardon.

Hindi ba’t maliwanag na basehan ang paglabag ni Erap para ibalik siya sa bilangguan upang pagsilbihan ang habambuhay na sentensiya sa kanya ng Sandiganbayan na pansamantalang naudlot lang dahil sa pardon na iginawad sa kanya ni GMA?

NAGLALAWAY SA BONUS
SINA VALDEZ AT DOOC?

HINDI masagot nang diretsahan nina Amado Valdez at Emmanuel Dooc, chairman at pangulo, tuwing sila ay matatanong tungkol sa mga dating kawalanghiyaan at sanhi ng pagkalugi sa pondo ng SSS.

Ilang beses na nating narinig si Valdez na inuulit lang ang laging isinasagot ng mga nakaraang opisyal ng SSS na nauna sa kanila ni Dooc – ang problema raw sa remittance ng koleksiyon sa kontribusyon na kinakaltas ng employers sa kanilang mga empleyado.

Naglalaway ba si Valdez kaya umiiwas siyang sagutin nang deretsahan tuwing matatanong sa malalaking bonus at sobrang benepisyo na sinasandok ng mga pinalitan nilang opisyales sa SSS kaya’t ang laging sagot niya ay hindi pa raw sila nakatatanggap?

Kung hindi ay wala sigurong dahilan para kategorikal at deretsahang sabihin na ipatitigil na nila ang pagwaldas sa pera na pinaghirapang ipunin ng mga pensiyonado, imbes taasan ang buwanang kontribusyon ng members.

Pero para magkaalaman, bakit hindi isapubliko ng SSS kung magkano ang kinikitang interes ng pondo sa mga depository bank ng SSS?

Subukan kayang ideklara nina Valdez at Dooc na ipaalam sa publiko kung saan-saang negosyo may nakalagak na puhunan ang SSS at magkano ang investment para masiguro nating hindi na mauulit pa ang nangyari sa panahon ni Erap.

Abangan!!!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *