NAALALA lang namin, noong pista ng Quiapo, wala na si Kuya Germs. Dati, tuwing translacion, naroroon si Kuya Germs dahil sinasabi nga niyang ang una niyang trabaho bilang janitor noon sa Clover Theater ay hiniling niya sa Nazareno.
Sa darating namang Linggo, pista ng Sto.Nino, hindi na rin makikitang magsisimba ng madaling araw sa Tondo si Kuya Germs. Actually si Kuya Germs ang nagdala sa amin sa madaling araw na misa sa Tondo kung kapistahan ng Sto.Nino, dahil doon siya tumutuloy pagkatapos ng Walang Tulugan.
Si Kuya Germs din ang nagdadala sa amin sa simbahan ng Birhen ng Manaoag kung Lunes Santo.
Pero wala na nga si Kuya Germs. Ang bilis ng panahon, naka-isang taon na pala siyang wala. Pero mahal pa rin siya ng showbusiness. Naaalala pa rin siya. Dinalaw pa rin siya ng kanyang mga kaibigan at mga artistang natulungan sa kanyang libingan. Mahirap naman kasing humanap ng makakapalit ni Kuya Germs. Siguro lilipas ang mahabang panahon, kung sakali man, para magkaroon ng panibagong master showman.
HATAWAN – Ed de Leon