ISANG kababayan na-ting OFW sa Nebraska, USA ang nagsumbong sa atin laban sa mga tauhan ng Phil Consulate natin sa Chicago, USA.
Isinahimpapawid natin ang kanyang tawag noong Biyernes (6 Jan.) sa ating malaganap na programang ‘Lapid Fire’ na napapakinggan gabi-gabi sa DZRJ-Radyo Bandido (810 Khz) at sabayang napapanood sa buong mundo sa pamamagitan ng live streaming ng 8trimedia.com sa You Tube at Facebook.
Ayon sa kanya, lima silang nagtungo sa Konsulada natin sa Chicago noong 21 Disyembre 2016 para magpa-renew ng passport at authentication ng iba pang mahahalagang dokumento na kanilang kailangan.
Mula Nebraska, 13-oras inabot ang kanilang biyahe sakay ng bus at 8:30 ng umaga nakarating sa Chicago.
Hindi kukulangin sa 20 katao ang dinatnan nilang mga aplikante na naroon sa Konsulada na tulad din nila ang pakay, ayon sa tumawag.
Kaya naman agad nilang ipinakiusap sa mga tauhan ng ating Konsulada sa Chicago na kung maaari ay maagang matapos ang pag-asikaso sa kanilang mga dokumento upang makahabol sa kanilang bus na sasakyan sa araw na iyon pabalik sa Nebraska.
Pero desmayado ang ating mga kababayan sa inaasahan nila na mapapabilis ang serbiyo dahil ang kanilang pakiusap ay mistulang pumasok lamang sa kanan at lumabas sa kaliwang tainga ng mga tauhan ng Konsulada na nakatalaga sa Chicago.
Dahil nga kaunti lang naman silang nangangailangan ng atensiyon at serbisyo na paminsan-minsan lang mangyari sa loob ng ilang taon ay kayang-kayang tapusin talaga nang maaga ang mga pakay nilang dokumento sa Konsulada kung gugustuhin.
Sa halip mabigyan sila ng konsiderasyon ay parang sinadya pa na lalong patagalin para sila pahirapan ng mga tauhan ng ating Konsulada sa Chicago na nakatalaga sa ‘capturing section’ ng Konsulada, ang lugar na kukunan sila ng larawan para ikabit sa kanilang pasaporte.
Tanaw nila mula sa labas ng window na kanilang kinaroroonan ang mga iresponsableng tauhan ng ating Konsulada na walang inatupag kung ‘di ang magpalakad-lakad nang paroo’t parito habang walang tigil na nagkukuwentohan.
Round trip ang kanilang ticket, mabuti na lamang daw at napakiusapan nila ang management ng bus na kanilang sasakyan na naghintay pa sa kanila pabalik sa Nebraska.
Sinilip ko po ang website ng Ph. Consulate natin sa Chicago at nagulat ako dahil sandamakmak ang nagrereklamo na tila hindi yata pinapansin ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Pagkatapos mapakinggan ng nakasubaybay nating listeners ang itinawag na reklamo sa ating programa, dumagsa ang reaksiyon sa walang pagbabago at katulad na sumbong sa iba’t ibang bansa na kinaroroonan ng ating mga kababayan.
Hindi ba kabaliktaran ang nangyayari, imbes sa mga Konsulado at Embahada natin idulog ang reklamo ay bakit sila ang inirereklamo ng ating mga kababayan?
Minarapat nating ilathala ang ilan sa reaksiyon sa pag-asang gagawa ng hakbang ang DFA sa ilalim ng administrasyon ni beloved Pres. Rodrigo R. Duterte upang mabago ang bulok na sistema ng mga tamad, hambog at iresponsableng mga tauhan natin sa hindi magandang pakikitungo nila sa ating mga kababayan sa ibang bansa.
Pumili na lang tayo ng ilan dahil mas nakararami sa nagpadala ng reaksyion ay marahas ang sinasabi laban sa mga nasa foreign service mission sa ibang bansa:
DE JESUS (Los Angeles, Ca., USA) – “Dito rin sa LA Consulate, tumawag ka, walang pick-up ng line o sasagot. ‘Pag kukuha ka n g passport, ‘di honor picture sa labas, you need to retake pics at bayad triple price, hehehe!” <Dec. 7>
***
MENDOZA (Ireland) – “Tama, kahit dito sa Ireland, kailangan ka pa maghintay ng Embassy outreach from London. pahirap po sa mga OFW. <Dec. 7>
***
WATSON (UK) – “Ganyan usually ang nagiging problema ng mga Pinoy sa abroad. Sila dapat ang protector tapos sila mismo ang gumagawa ng pagpapahirap. Me mga ganyan talagang tanggapan minsan sa ibang lugar sa mundo. Pero mabait ‘yung mga Consulado sa Japan dati, ewan ko lang ngayon. Nu’ng nagka-problema ako sa Japan, nu’ng 1978, sa Kobe ako nagpunta. Magaling sila d’un, nu’ng araw.” <Dec. 7>
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid