MALAKI na ang ipinagbago at iginanda ng Tagaytay kompara noong aking kabataan.
Ang mga naglalakihang establisimiyento at negosyong makikita ngayon ay patunay na umuunlad ang lungsod kung ang pag-uusapan ay koleksiyon sa buwis kada taon.
Noon pa man ay paboritong pasyalan ng marami ang Tagaytay dahil sa malinis na kapaligiran, malamig na klima at madali pang puntahan kung manggagaling lang sa Metro Manila, imbes dumayo pa sa malayong lungsod ng Baguio na hindi kukulangin sa limang oras ang itatagal ng biyahe.
Sa totoo lang, may ilang taon naming iniiwasan ang mamasyal sa Tagaytay tuwing panahon ng bakasyon tulad ng Mahal na Araw at Bagong Taon.
Pero, kamakalawa, Lunes (Jan. 1) ng hapon, kasama ang buong pamilya, ay bumiyahe kami patungong Tagaytay upang mamasyal at magpalamig sana kahit ilang oras doon sa pag-aakalang nasolusyonan na ng lokal na pamahalaan ang napakatinding problema sa trapik.
Ang masaklap, bukod sa walang ipinagbago sa problema sa trapiko, lalo pa palang lumubha ang problema sa trapik sa patuloy na pagdami ng mga namamasyal tuwing bakasyon.
Apat na oras kaming naipit sa trapik dahil hindi na halos umuusad ang mga sasakyan hanggang magpasiya kaming umuwi na lamang, hindi pa kasama rito ang tig-dalawang oras na biyahe patungo at palabas ng Tagaytay.
Pakiramdam ko tuloy, parang sira-ulo ako na dumayo pa sa Tagaytay para lang maipit sa trapiko na karaniwang kalbaryo na dinaranas naman natin sa Metro Manila araw-araw.
Hanggang ngayon pala ay wala pang naisip at nagagawang solusyon ang ilang dekada nang nakaluklok na angkan ni dating MMDA chairman Francis Tolentino sa puwesto para lutasin ang problema ng trapiko sa Tagaytay tuwing panahon ng bakasyon.
Nakakita tayo ng mga pulis sa tapat ng kanilang estasyon sa harap ng Picnic Grove pero kunwa-kunwarian at hindi naman totoong nagmamando ng trapiko.
Maliit lamang ang Tagaytay kung tutuusin kaya hindi mahirap at gaanong mangangaila-ngan ng malaking pondo mula sa kinikita ng lungsod para solusyonan ang matagal nang problema sa trapiko roon.
Isa sa matagal na nating sinasabi sa ating malaganap na programa sa radyo ang pagbubukas ng bagong palihis na kalsada para mada-anan ng mga sasakyang patungo at palabas ng Batangas.
Isa pa rito ang pagtatayo ng mga lugar na puwedeng paglagakan ng mga pribadong sasakyan katulad ng Park and Fly malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para lumuwag ang trapiko sa mga namamasyal at magbabakasyon sa Tagaytay.
Ang Park and Fly ay matagal nang konsepto na aking nakita noon pa sa bansang Japan at may mga shuttle na maghahatid sa naglalagak ng kanilang sasakyan patungong Narita Airport na maaaring gawin sa Tagaytay.
Puwedeng itayo ang mga ligtas na parking area mula sa kalahati o isang kilometro ang layo bago pumasok ng Tagaytay proper at malaki ang kikitain dito ng lungsod mula sa parking fees.
Sa Phuket, Thailand ay nakita kong naglalakad lang ang mga turista sa palibot ng mga pasyalan kahit mainit ang klima kaya posible rin itong gawin sa malamig na lugar ng Tagaytay.
Puwede rin naman nilang obligahin ang mga establisimiyento na maglagay ng sarili nilang shuttle na maghahatid-sundo sa mga kliyente na tatangkilik ng kanilang negosyo.
Tatlong dekada nang pasalin-salin sa political dynasty ng mga Tolentino ang pamahalaang lokal at distrito ng Tagaytay na parang basketball at matagal na sana nilang naisip ang pangmatagalang solusyon.
Hindi naman kaya nanghihinayang ang lokal na pamahalaan na ipagamit at gawing kalsada ang ibang lupain sa Tagaytay dahil mas gugustuhin nilang ibenta ang mga property doon?
‘LAPID FIRE’ SA GABI
DUE TO INSISTENT
PUBLIC DEMAND
NAGSIMULA na po kagabi sa bago nitong oras ang malaganap na programang Lapid Fire sa DZRJ-Radyo Bandido (810 Khz).
Marami po kasi sa masusugid na tagasubaybay natin ang humihiling na maibalik tayo sa gabi kung kaya’t minabuti po ng 8TriMedia Broadcasting Network na ilipat tayo sa mas pinahabang oras mula 10:30 pm hanggang 12:00 mn, Lunes hanggang Biyernes.
Samantala, ang ating Live Jamming ay mapapakinggan na po tuwing Linggo ng gabi sa nabanggit na oras.
Maraming salamat po sa inyong patuloy na pagsubaybay, pakikinig at pagtitiwala.
Happy New Year po sa inyong lahat!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: lapidfire_14@yahoo.com)
KALAMPAG – Percy Lapid