NGAYON maliwanag na sa amin, talagang wala na ang tinatawag nilang “Nora Aunor magic” noong araw. Aba kung napanood ninyo ang mga “quickie” na ginawa ni Nora Aunor noong araw, masahol pa sa mga TV show na indie, pero pinipilahan talaga iyon sa mga sinehan.
Iyong fans niya nagkakabit pa ng mga banner sa lobby ng sinehan para malaman na naroroon sila at nakasuporta. Makikita ninyo ang makukulay na lobo na nakakalat sa lobby. Ngayon wala na iyon.
May isang movie writer na naglabas sa kanyang social media account ng picture ng loob ng isang sinehan na sinasabi niyang pinaglalabasan ng pelikula ni Nora na maraming nanonood. Kuha iyon sa isang maliit na sinehan, at iyon pala ay “blocked screening”. Ibig sabihin may bumili ng lahat ng tickets sa screening na iyon at siya ang naglako niyon para mabili. Pero ang tanong, sa ilang sinehan palabas ang pelikula ni Nora, lahat ba iyon ay nagkaroon ng tao? Ilang screening mayroon ang pelikula ni Nora sa sinehang iyon. Lahat ba ng screenings ay ganoon ang tao?
Kung iisipin, nakatulong pa sa mga flop na pelikulang iyan, at sa festival sa kabuuan ang typhoon scare na nangyari. Natakot kasi sila, isipin mong signal number two sa Metro Manila, at nakikita iyong pinsala ng bagyo sa probinsiya ni Ma’am Leni Robredo, aba matindi iyon. Buti na lang nasa US si Ma’am Leni at hindi niya naranasan ang bagyo sa bayan nila ni Aunor. Iyon ang naging excuse ng mga pelikulang flop at sinasabing “may bagyo kasi”.
“Pero mas masahol pa sa bagyo iyang festival at iyang mga indie,” sabi sa amin ng isang theater manager. Ngayon lang daw kasi sila nakaranas ng ganyang pagkalugi kung panahon ng Pasko. Iginigiit sa kanilang may batas, at kailangang wala silang ipalabas kundi ang mga pelikulang kasali sa festival. Hindi rin sila makasingil ng “minimum guarantee” na karaniwang kailangang bayaran ng producers sa mga sinehan kung ang mga pelikula nila ay flop at hindi kumikita. “Kung ganyan ng ganyan ang mga sinehan naman ang papatayin nila at baka magsara na lang kami,” sabi pa ng theater manager.
Nasaan na kaya ang mga Noranians na nagsasabing marami pa sila?
HATAWAN – Ed de Leon