DESKOMPIYADO ang marami kung sino kina dating Sen. Jinggoy Estrada at kapatid na si Sen. JV Ejercito ang paniniwalaan tungkol sa tunay na estado ng kalusugan ng kanilang amang si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada na isinugod sa ospital noong nakaraang linggo.
Sino nga ba naman ang hindi magdududa kung ultimo sa karamdaman ng kanilang bugtong na ama ay magkaribal pa rin silang magkapatid?
Ibinalita ni JV sa media nitong Biyernes (23 Disyembre) na pneumonia ang sakit ng kanilang ama sanhi ng infection sa baga.
Makalipas ang tatlong araw, sinabi naman ni Jinggoy na hindi pneumonia kung hindi asthma o hika ang sakit ng kanilang ama sanhi ng fatigue o sobrang pagod at pabago-bagong klima.
Magkaibang doctor ba ang kausap nina JV at Jinggoy kung kaya’t magkaiba ng sinasabi ang magkapatid?
Kung si JV ang paniniwalaan, delikado at hindi birong sakit ang pneumonia at mahirap malunasan para sa isang tulad ni Erap na may edad na.
Ang pneumonia ay isa sa karaniwang sakit na malimit ikamatay ng matatanda ngayon.
Parang mahirap yatang paniwalaan ang sinasabi ni Jinggoy na asthma lang ang sakit ni Erap kung wala naman yata siyang history nito sa nakaraan.
Dapat lang mabahala si Jinggoy dahil sa $500-M offshore account ng isang kompanya na may deposito sa isang banko sa British Virgin Island na kasamang nakalista ang pangalan ng kapatid na si JV.
Pero sino ngayon ang nagpapatakbo ng Manila City Hall kung totoong nakaratay si Erap sa banig ng karamdaman?
Gusto rin malaman ng mga Manilenyo kung sino sa dalawang magkapatid ang nagsisinu-ngaling kung ‘di man pareho sila.
Wala sigurong pinakamabuti para mabura ang mga espekulasyon kung ‘di magpadala na lang ng sariling doctor ang DILG upang suriin ang tunay na lagay ng kalusugan ni Erap.
SHABU CITY BA
ANG SAN JUAN?
KASABAY ng biglaang pagsugod kay Erap sa ospital, nagsagawa ng raid ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang bahay sa San Juan City nitong Biyernes (23 Dis-yembre).
Nasamsam ng NBI ang may 100 bag na pawang naglalaman ng tig-10 kilo ng shabu sa isang residential area sa Mangga St., sa nasabing lungsod.
Sumunod na sinalakay ng NBI noong bisperas ng Pasko (24 Disyembre), nasamsam ang mga pake-paketeng shabu na nagkalat sa sahig ng isang apartment sa Barangay Sta. Lucia, San Juan.
At kamakalawa (26 Disyembre), natunton ng NBI ang isang laboratoryo ng shabu sa isa pang 2-storey apartment sa Wilson St., San Juan.
Natagpuan sa lugar ang 44 drum na naglalaman ng mga chemical at sangkap sa paggawa ng methamphetamine hydrochloride o shabu; isang pressure tanker at iba pang equipment; tooters, mga aluminum foil at mga shabu.
Natagpuan din sa laboratory ang mga plastic bag na kulay pula at pawang may nakatatak na dragon.
Hindi lang natin tiyak kung ang natagpuang mga plastic bag ay may kaugnayan sa “Dragon Head” na iniuugnay sa malaking sindikato ng droga na naka-base sa nasabing lungsod noong si Erap pa ang nakaupong pangulo.
Ang San Juan ay baluwarte ng angkan ni Erap sa loob ng mahigit 40 taon at kasalukuyang alkalde rito ang ina ni JV na si Mayor Guia Gomez.
Todo-tanggi ang barangay kupitan, este, ka-pitan sa nasabing lugar at hanggang ngayon ay walang paliwanag si Mayor Guia Gomez tungkol sa magkakasunod na raid ng NBI sa San Juan.
Wala raw kayang kinalaman ang biglang pagkakasakit ni Erap sa naganap na pagsalakay sa San Juan at puspusang kampanya ng pamahalaan kontra illegal drugs?
Sa kanyang talumpati kamakailan, sinabi ni beloved Pres. Rodrigo R. Duterte na nagsimulang lumaganap ang illegal na shabu sa bansa sa panahon na si Erap pa ang nakaupong pangulo sa Malakanyang.
Hindi kaya nagpapaawa lang si Erap?
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid