SAKSI tayong lahat na buwis-buhay si Pang. Rodrigo R. Duterte (PRRD) na maisakatuparan ang dakilang layunin na masugpo ang laganap na krimen sa bansa at ang talamak na katiwalian sa pamahalaan upang ipagmalasakit ang kapakanan ng bansa at mamamayan.
Kaya naman kay PRRD tayo nakadama ng habag sa pagsabog ng malaking bribery scandal na nagsasangkot sa ilang mataas na opisyal sa Bureau of Immigration (BI) at Department of Justice (DOJ).
Kahapon, humarap sa magkahiwalay pero magkasunod na press conference ang dalawang opisyal ng Hingi-gration, este, Immigration at si DOJ Sec. Vitaliano Aguirre II pagkatapos umalingasaw sa apat na sulok ng bansa ang mabahong eskandalo sa naganap na pagtanggap ng suhol mula kay Jack Lam, ang dayuhang operator ng illegal online gambling sa Fontana Leisure Park sa Clark Freeport, Pampanga.
Kasabay ng kanilang pag-amin, ipinarada nina Atty. Al Argosino and Atty. Mike Robles ng BI ang paldo-paldong P30-M na kanilang naparte mula sa P50-M na naeskobang suhol sa dayuhang Tsekwa at gambling tycoon na si Jack Lam kapalit ng pagpapalaya sa 1,316 illegal Chinese workers na naaresto sa isang raid sa Fontana Leisure Park sa Clark Freeport noong Nov. 24.
Ayon sa dalawang Hingi-gration, este, Immigration officials na sina Argosino at Robles, ang P2 million ay napunta kay Col. Wally “Poker King” Sombero, isang retiradong opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nag-broker sa pagtatagpo nina Jack Lam at Sec. Aguirre sa Shangrila Hotel sa Bonifacio Global sa Taguig City.
Ayon pa sa dalawang BI officials, P18 million naman ang naibulsa ni retired police general Charles Calima, hepe ng intelligence and cash division, este, BI intelligence division.
Umamin sina Argocino at Robles na sila mismo ang personal na tumanggap ng P30-M mula kay Sombero noong November 27 sa isang restaurant sa loob ng City Of Dreams Manila casino complex sa Parañaque.
Ang palusot nina Argocino at Robles ay itinago lang nila ang pera para sa pagsasampa ng kasong bribery laban kay Jack Lam na wala raw nang maganap ang abutan ng pera.
Hindi rin daw nila hinuli si Sombero para hindi mabulabog ang talagang puntirya nilang masakote na si Jack Lam.
Sino’ng maniniwala sa kahindutang pinagsasasabi nitong sina Argocino at Robles na ang hawak nilang P30-M ay puwedeng gamiting ebidensiya para kasuhan ng bribery sina Jack Lam at Sombero sa ibang araw matapos maganap ang suhulan?
Ngayon ko lang narinig ‘yan, ha!
Hindi ba ang kasong bribery ay sa aktuwal na pangyayari ibinabase o sa mismong oras na ginagawa ang abutan ng kuwarta?
Saan ka nakakita ng kasong bribery na matagal n’yo nang hawak ang pera?
E, paano kung hindi sumingaw, may maniniwala bang ilalabas pa ng mga damuhong opisyal ang pera?
Sino pa ang kakasuhan kung pagkatapos magkaabutan ng kuwarta ay nakatakas si Jack Lam palabas ng bansa?
Tell it to the Marines, but not to PRRD!
Hindi pa ‘yan, Beloved President Digong! Paano kung bigla na lang silang namatay pareho, saan hahanapin ang pera?
Ha, ha, ha!
AGUIRRE VERSION
IBA naman ang senaryo sa kuwento ni Sec. Aguirre.
Inamin ni Aguirre na nagkaharap sila ni Jack Lam at kasama sa tagpo si Sombero at iba pang mga kalahok sa bribery-extortion.
Naganap ang miting sa isang hotel na nakatakdang magsalita si PRRD.
Si Aguire na rin mismo ang nagsabing inalok siya ng suhol pero nakapagtatakang on-the-spot ay hindi niya ipinaaresto sina Sombero at Jack Lam.
Una, bakit imbes sa opisina niya ay puma-yag makipagkita si Aguirre sa labas ng DOJ?
Pangalawa, hindi ba malaking embarrassment o kahihiyang itaon ang kanilang pagtatagpo sa lugar mismo na kapita-pitagang panauhin pa naman si PRRD?
Abangan na lang natin ang paglabas ng katotohanan sa likod ng nakadedesmayang katiwalian dahil ang balita, P100-M ang sangkot na pera sa naganap na bribery of the century.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid