NATATANDAAN n’yo pa ba si Yolanda Ricaforte, ang itinurong “bagman” ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada sa jueteng payola?
Mahigit 12-taon na ang nakalilipas mula nang tumakas si Ricaforte palabas ng bansa at hanggang ngayon ay ipinalalagay na nagtatago siya sa batas.
Si Ricaforte ay kasamang nakasuhan bilang isa sa mga co-accused ni Erap sa kasong plunder pero hindi makapagbaba ng hatol sa kanya ang Sandiganbayan hangga’t hindi siya lumulutang o sumusuko sa batas tulad nang ginawa ni Ruby Tuason na tumestigo sa Senado laban kay dating Sen. Jinggoy Estrada at ibang mambabatas na kinasuhan ng plunder sa pagbulsa ng Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Ang PDAF ay idineklarang labag sa Saligang Batas ng Korte Suprema ilang taon ang nakararaan.
Si Ricaforte ang itinuro noon ni Ilocos Sur Gov. Luis ‘Chavit’ Singson na bagman at ingat-yaman ng tong collection para kay Erap mula sa lahat ng ilegal, kasama na ang jueteng.
Ayon kay Singson, kay Ricaforte niya dinadala ang jueteng para kay Erap.
Pagkatapos nang nakaraang eleksiyon, may nakausap ang inyong lingkod at nagkuwento kung bakit hindi na lumutang si Ricaforte.
Ayon sa ating kausap, si Ricaforte raw ay namatay na.
Pero ang sadya ng nakipag-usap sa atin ay upang ipaalam ang malungkot na kuwento bago pumanaw si Ricaforte.
Sadyang inutusan ng kampo ni Erap na patakasin noon si Ricaforte para hindi makatestigo sa hukuman.
Base sa narinig kong kuwento sa atin, halos hindi magkaiba ang sinapit ni Ricaforte sa ginawang pagtalikod ni Erap sa matapat niyang tauhang si Ferdie Ramos na pumanaw na rin noong nakaraang linggo.
May ilang taon daw dumanas ng mabigat na karamdaman si Ricaforte habang nagtatago sa ibang bansa.
Malamang daw na buhay pa si Ricaforte kung patuloy na nakatanggap ng tulong-pinansiyal na dating ginagawa ni Erap kapalit ng kanyang pagtatago sa labas ng bansa.
Bago raw pumanaw si Ricaforte, humingi ng tulong kay Erap para maipantustos sa pagpapagamot.
Dahil nga hindi na tumutugon si Erap sa mga tawag ay minabuti raw ng malalapit na kamag-anakan ni Ricaforte na magpapunta ng emisaryo kay Erap sa Manila City hall.
Nang makausap umano ng napag-utusang emisaryo si Erap, itinuro na magpunta kay Loi Estrada na nag-isyu naman daw ng tseke.
Pero nang makarating ang tseke sa pamilya ni Ricaforte, saka nila natuklasang talbog pala na parang basketball.
Walang ibang dapat gawin ang Sandiganbayan kung ‘di ipatawag nila ang abogadong si Pacifico Agabin para makompirma kung totoong patay na nga ang dating bagman ni Erap sa jueteng.
LICUANAN RESIGN!
KASAMA si Chairperson Patricia Licuanan ng Commission on Higher Education (CHED) sa pinadalhan ng text ni Cabinet Sec. Jun Evasco at pinagsabihang huwag nang dadalo sa mga cabinet meeting.
‘Buti naman para mabawasan ang appointees ni PNoy na walang ginawa kung ‘di tiktikan lamang si Pang. Rodrigo Duterte at maghagilap ng magagamit na paninira laban sa kasalukuyang administrasyon.
Nito lamang nakaraang linggo, nagsadya sa ating programang Lapid Fire sa DZRJ – Radyo Bandido si Prof. Aida Joe-Hadji, ang OIC-Chancellor ng Mindanao State University- College of Technology and Oceanology (MSU-TCTO) sa lalawigan ng Tawi-Tawi.
Si Joe-Hadji ay itinalaga ni Dr. Habib Macaayong sa nasabing puwesto noong October 10, 2016.
Pero sinuportahan ni Licuanan ang kuwestiyonableng Special Order ng MSU Board of Trustees sa pagtatalaga kay Atty. Lorenzo R. Reyes na idineklara nang null and void ng Korte Suprema at final and executory.
Ayaw ipatupad ni Licuanan at ng BOR ang desisyon ng Korte Suprema na kumikilala sa kapangyarihan ni Macaayong bilang pangulo ng MSU-TCTO na makapagtalaga ng OIC-Chancelor.
Walang karapatang manungkulan sa pamahalaan, lalo sa mga unibersidad ang sinomang hindi kumikilala sa batas.
Dapat lang mag-resign na rin si Licuanan CHED!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid