SIGURO masasabi ngang simula nang magkaroon ng Public Attorneys Office sa Pilipinas, ang naging hepe niyan na pinakamalapit sa entertainment writers ay si Atty. Persida Acosta. Palagay namin kaya naman nagsimula ang ganyan ay dahil nakasalamuha niya ang entertainment press noong siya ay magkaroon ng TV show sa TV5, iyong Face to Face. Sa totoo lang, iyong kanilang show na iyon ang nagkaroon ng pinakamalakas na following sa lahat ng shows ng Kapatid Network simula noon hanggang ngayon. Wala na ang show, pero malapit pa rin sa entertainment press si Atty. Acosta dahil lahat naging kaibigan na niya.
Masarap kausap si Atty. Acosta dahil maririnig mo ang kanyang mga opinyong legal, na masasabi mo ngang bukod sa practical at liberal, makatuwiran pa. Makikita mo naman, nilabanan niya iyang laglag bala sa airport hanggang sa nawala na.
Natanong nga rin namin siya tungkol sa pinakamainit na issue ngayon, iyong paglilibing kay dating Pangulong Marcos at sinabi niya na tama ang posisyon ng Korte Suprema na nang mangyari ang paglilibing walang sagabal na legal, dahil iyong motion for reconsideration naman ng mga protester, inilahad niya noong mailibing na ang dating presidente. Sabi rin niya, mukhang hindi maganda iyong panukala na ginagawa ng ibang oposisyon kagaya ni Kiko Pangilinan na hukayin pa iyong bangkay. Sa opinion niya, hindi na gawaing Kristiyano iyon. Kaya sabi nga niya dapat pabayaan na para makakawala na rin tayo sa isang sumpa.
Kung kami ang tatanungin, bagamat sinabi niyang ayaw iwanan ang PAO, parang mas kailangan nga siya sa Korte Suprema. Kailangan natin ng mga mahistradong may mas makabagong pag-iisip, at may damdamin para sa mga mahihirap at naaapi. At saka sa panahon lang ni Atty. Acosta sa PAO nagkaroon ng kasunduan na kung mayroong peryodista na magkakaroon ng kaso, anumang oras ay nakahanda ang mga abogado ng PAO kung sila ay kakailanganin. Kaya lang, mukha ngang mas kailangan siya sa Korte Suprema.
HATAWAN – Ed de Leon