SINABI ni Nicanor Tiongson, na pinili nila ang mga pelikulang kasali sa festival dahil naniniwala sila na dapat mas bigyan ng timbang ang artistic merits ng isang pelikula kaysa commercial viability niyon.
Binanggit din niya na ang pagkakasali ng mga commercially viable films noong nakaraan sa festival ay binabatikos na ng mga kritiko. Iyang si Tiongson ay miyembro rin ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino na alam naman ng lahat na makiling sa mga pelikulang indie. Nagtuturo rin siya sa UP, na inilalabas ang karamihan ng mga pelikulang indie, lalo na kung sex ang tema dahil hindi sakop ng MTRCB ang film center ng UP.
Si Tiongson ay naging chairman din noon ng MTRCB, pero hindi tumagal matapos na pigilin ng noon ay presidenteng si Gloria Macapagal Arroyo ang pagpapalabas ng pelikulang Live Show, na pinayagan ng kanyang board. Naging matindi ang pressure ng simbahan sa pelikulang iyon na sinasabi ng yumaong si Cardinal Sin na labag sa moralidad. Tungkol iyon sa mga lumalabas sa toro-toro.
Siguro nga sa pamantayan ni Tiongson at ng kanyang mga kasama, iyang mga indie film na napili nila ang mag-aangat sa festival, pero hindi ganoon ang palagay ng maraming observers, at maging ng mga may-ari ng sinehan na nagsabing baka magsara na lang sila ng ilang araw kung hindi naman kikita ang mga pelikula. Kung mananatili silang bukas, malulugi sila dahil aasa na lamang sila sa minimum guarantee na kailangang bayaran ng mga producer ng mga hindi kumitang pelikula, na masisingil pa nila makalipas ang unang dalawang araw.
Nakikita naman iyan bilang advantage para sa mga pelikula nina Vic Sotto, Vice Ganda, at Richard Yap, dahil makapaghihintay sila ng mas magandang playdate, mas makakukuha ng maraming sinehan at mapipili pa nila ang sinehan kung saan ilalabas ang kanilang mga pelikula.
Ang biruan nga, ang mas malungkot ay ang mga pirata ng pelikula. Kasi wala silang mapipiratang pelikula ngayon. Iyang mga pelikulang indie ay hindi naman nila pinipirata dahil malulugi rin sila kung gagawin nila ang ganoon. Walang nanonood sa sine, sino pa nga ba ang bibili ng pirated na DVD?
HATAWAN – Ed de Leon