TALAGANG tumitindi yata ang labanan ni Richard Gomez at ng mga pulis na ipinagharap niya ng kasong administratibo sa NAPOLCOM. May panawagan pa kasi si Goma kay Presidente Digong at kay General Bato na ang mga pulis na ganyan lalo na’t sangkot sa droga ay “dapat pulbusin na”.
Gumanti naman ng statement si Major Jovie Espenido ng Albuerra Police, na nauna raw si Goma na nagbantang ipapapatay siya. May itinuturo na naman si Espenido na nagsabi raw sa kanyang “sinabi iyon ni Gomez”.
Sinagot naman iyon ni Goma ng “sino ba sa amin ang kilalang killer”.
Wala pa namang nagiging kasong murder o homicide si Richard. In fact wala pa kaming naririnig na kasong criminal na iniharap laban sa kanya noon.
Sa tingin lang namin, baka naman walang advise ng isang abogado si Major Espenido sa kanyang mga sinasabi, kasi kung igigiit niyang pinagbataan ni Goma ang buhay niya, bakit hindi siya nagreklamo? Ikalawa, kung sasabihin niyang ganoon, lalong titibay na mayroon siyang motibo para isangkot si Goma sa drug ring kahit na wala naman siya sa listahan ng napaslang na si Mayor Espinosa.
Ang maipapayo lang namin diyan ay tigilan na ang tungayawan sa media. Nasa NAPOLCOM na ang kaso. Sigurado iimbestigahan din naman iyan ng senado lalo na’t nagsabi rin si Goma na payag siyang humarap sa forum na iyon. Gusto rin daw niyang maibulgar sa senado ang kabulukan ng ibang pulis. Sinabi rin niyang ang kasong iniharap niya sa NAPOLCOM ay hindi hadlang para magsampa pa siya ng kasong criminal sa korte. Kaya dapat tahimik na muna.
Ang problema, sumasagot din naman ang mga pulis, eh mananalo pa sila kay Goma kung ang pag-uusapan ay media? Eh artista iyan eh.
HATAWAN – Ed de Leon