“MAGKIKITA na lang kami sa korte. Hindi naman kasi iyan ang una. May nauna pa riyang mga nangyari na alam ko politically motivated lahat,“ ganyan ang naging pahayag ni Mayor Richard Gomez kasabay ng kanyang pagsasabing inutusan na niya ang kanyang abogado na ipagharap ng sakdal si Albuerra Police Chief Jovie Espinido. Si Espinido ang itinuro ni Major Leo Laraga na nagsabi sa kanya na si Gomez ay kasama sa mga nilagyan ng anak ng pinaslang na mayor Rolando Espinosa. Ang anak ni Espinosa na si Kerwin ang sinasabing isa sa pinaka-malaking drug lord sa Visayas.
Pero ang pangalan ni Gomez na kauupo pa lamang bilang mayor nitong taong ito ay wala sa sinumpaang pahayag ni Mayor Espinosa. Sinasabi ni Espinido na nasabi lang daw sa kanya ng mayor na sangkot nga si Goma. Itinuturo rin ni Espinido na hindi siya kundi si Laraga ang nagsabi niyon sa hearing ng senado. Gayunman, sinabi nga ni Goma na may iba pang pagkakataon na may nasabi na laban sa kanya si Espinido, na sinasabi niyang kakampi ng kanyang mga kalaban sa politika.
Kung totoo mang nasabi ni Mayor Espinosa ang mga bagay na iyon, wala nang makapagpapatunay sa ngayon dahil patay na siya. Kaya ang talagang puputukang pinagmulan ng paninirang iyon ay si Espinido.
Si Gomez ay dating chairman ng Mamamayan Ayaw sa Droga Foundation, katunayan bago pa siya naging mayor, at bago pa man ang laban ni Duterte laban sa droga ay may ginagawa na si Goma sa kanyang kapasidad bilang isang pribadong mamamayan laban sa salot na droga.
Si Goma ay naging presidential assistant din for Sports and Youth Development noong panahon ni Mayor Erap bilang president, at may programa rin siya noon laban sa mga ipinagbabawal na droga.
Si Goma ay isa ring national athelete sa fencing, rowing, target shooting, at volleyball, at minsan na ring naging head of mission ng Philippine Delegation sa SEA Games.
Paano mo nga ba masasabing ang isang taong may ganyang record ay magiging involved sa droga?
Pero mariin na ang paninindigan ni Goma, na gusto niyang patunayan sa pamamagitan ng korte na may malisya ang pagbibintang na ginawa sa kanya ni Espinido, at gusto niyang panagutan niyon ang paninira sa kanyang pangalan.
HATAWAN – Ed de Leon