GINAGAWANG katatakutan ng mga tutol ang paglilibing kay dating Pang. Ferdinand E. Marcos (FM) sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).
Kulang na lang ay sabihin nila na isa-isa tayong pagmumultuhan ni FM kapag nailibing ang yumaong pangulo sa LNBM.
Kaya lang ay masyado nang maunlad ang teknolohiya sa mundo kaya’t bibihira na ang naniniwala sa multo ngayon.
Si dating Pang. Fidel V. Ramos ay kabilang sa mga nakikilokong hindi dapat payagang mailibing si FM sa LNMB.
Aniya, bukod sa may dapat daw ihingi ng tawad ang pamilya Marcos sa mga abuso noong Martial Law ay dapat din ibalik ng mga Marcos ang kanilang ill-gotten wealth o nakaw na yaman.
Sa nakalipas na 30-taon mula nang mapatalsik sa puwesto noong 1986, hanggang ngayon ay walang napatunayan sa mga paratang na nagnakaw si Marcos, kahit isa.
Galit daw kay Marcos ang mga ipokritong tumututol na mailibing siya sa LNMB pero sa pera niya ay hindi sila galit.
Tsk tsk tsk!!!
MATAKOT KAY ERAP HUWAG SA PATAY
KAHIT walang napatunayan sa mga bintang laban sa kanya, nakapagtataka naman kung bakit si Marcos at pamilya niya lang lang ang pinagsasauli ng umano’y ninakaw habang kay ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada ay tahimik sila.
Noong September 12, 2007, si Erap ay nahatulang guilty sa kasong plunder o pandarambong pagkatapos nang mahigit 6-taon na paglilitis sa kanya ng Sandiganbayan.
Ang ipinataw na hatol ng Sandiganbayan kay Erap ay parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo.
Hindi pinagdusahan ni Erap ang hatol sa kanya ng Sandiganbayan matapos ipagkaloob ang kanyang hirit na pardon kay noo’y Pang. Gloria Macapagal Arroyo.
Pero kasama sa naging hatol ng Sandiganbayan ang pagsasauli sa pamahalaan ng kanyang mga ninakaw mula sa pondo ng GSIS at SSS na ipinag-utos niyang ibili ng shares o mga sapi sa BW Resources.
Ang naturang kompanya na pag-aari ni Dante Tan na hanggang ngayon ay nagtatago pa at pinaniniwalaang “dummy” lamang ni Erap para planuhin ang pagnanakaw sa pera ng mga government employees na nakalagak sa GSIS at mga miyembro ng SSS.
At hanggang ngayon, ang mga salaping dinambong na ipinasasauli ng Sandiganbayan kay Erap ay hindi pa niya ibinabalik sa pamahalaan.
Paano ngayon ipaliliwanag ni FVR at ng mga tumututol sa pagpapalibing kay Marcos sa LNMB ang kanilang inconsistencies at magkaibang pagtrato sa mga magnanakaw?
Malaon nang patay si Marcos kaya wala nang pagkakataon na maidepensa pa ang kanyang sarili laban sa mga paratang na hindi naman napatunayan noong siya ay nabubuhay.
Pinahingi na ba nila ng tawad si Erap na hanggang ngayon ay todo pa rin ang tanggi na wala raw siyang kasalanan kahit napatunayang guilty sa hukuman?
Siguradong may mga kumita at nagkapera kaya hindi gumalaw ang Office of the Solicitor General (OSG) sa panahon ni PNoy ang kuwartang ipinag-utos sa hatol ng Sandiganbayan na dapat isauli ni Erap sa taongbayan.
Hindi ba ‘parteng-tulisan’ ang tawag diyan, ang nakaw na nga ay ninakaw pa?
Mas dapat nating katakutan ang buhay na tulad ni Erap kaysa patay na gaya ni Marcos.
WAKE-UP CALL SA MEDIA
SINTOMAS na dapat magising sa katotohanan ang mainstream media na nagpapagamit sa mga bayad na political survey kasunod ng pagkapanalo ni Donald Trump bilang susunod na pangulo ng Estados Unidos ng Amerika laban kay Hillary Clinton.
Bago ang eleksiyon, lumabas sa mga survey doon at maging sa mainstream media na malaki ang inaasahang magiging lamang ni Clinton kay Trump.
Pero pagkatapos ng eleksiyon ay baligtad ang resulta, malaki nga ang inilamang… ni Trump kay Clinton.
Ibig sabihin, laganap na sa mundo ang gumuguhong tiwala sa mga survey at mainstream media na dinadaig ng social media.
Isang wake-up call sa media ang pangyayari para sa mga nalunod sa sobrang pagmamagaling.
Sabi nga ng idolo kong Bob Dylan: “The Times They Are A-Changin’.”
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])KALAMPAG – Percy Lapid