MARAMI ang pumupuri ngayon kay Paolo Ballesteros, matapos na manalong best actor sa katatapos na Tokyo International Film Festival. Hindi iyan isang hotoy-hotoy na film festival, dahil isa iyan sa mga international festivals na rated A, at kinikilala ng FIAP, ang pandaigdig na samahan ng mga film maker.
Kagaya nga ng nasabi na namin, dahil sa kanyang panalo, si Paolo ay kahanay na ngayon nina Jacklyn Jose, Nora Aunor, Eugene Domingo, at iba pang nanalo na sa mga rated A na festivals. Iyong mga nananalo sa mga “mini festivals” o tinatawag na hotoy-hotoy dahil mga “minor festivals” lang naman, hindi ganyan ang ranking.
Ngayon, ikinukompara rin nila si Paolo sa ibang gay comedians. Iyong iba raw gay comedian, hanggang sa pagpapatawa na lang at paggawa ng mga pelikulang walang kawawaan. Iyon bang tipong pinagkakakitaan lamang ang kanilang kabaklaan. Maging ang ginagawang make-up transformation ni Paolo ay naikukompara ngayon sa ibang gay artists. Si Paolo kasi ay nagpapaganda talaga. Iyong ibang mga gay artist, ginagawang katawa-tawa ang kanilang mga sarili dahil sa mga isinusuot nilang mga damit na out of this world. Mayroon pa nga kaming nakita noong isang araw, na ang ulo ay parang naputukan ng kuwitis at fireworks ang hitsura.
Kumbaga, sinasabi nilang mukhang lumalabas na si Paolo iyong gay artist na mairerespeto kasi ang ginagawa niya ay hindi kabalahuraan.
Mahirap iyan pero sa palagay namin dapat na mai-maintain na ni Paolo ang ganyang image. Aminin natin na sa ngayon basta sinabing bading balahura rin. Dahil nga iyan sa ginagawa ng iba, pero naipakita niya na maaari silang maging kagalang-galang. Kaya dapat mai-maintain na ni Paolo ang ganyang image para sa mga kapwa niya bading.
HATAWAN – Ed de Leon